Ni REGGEE BONOAN
KASALUKUYANG nasa El Nido, Palawan si Julia Montes kasama ang kanyang biological dad na si Ginoong Martin Schnittka at ang asawa’t dalawang anak nito na bale half brothers ng aktres.
Dumating ang mag-anak na Schnittka noong gabi ng Hulyo 5 (Miyerkules) at kahapon ay agad nang tumulak kasama si Julia sa El Nido para magbakasyon at bonding na rin.
Unang nakita at nakilala ni Julia ang ama nitong nakaraang Disyembre sa Bellini’s Restaurant sa Cubao, Quezon City. Labis ang kaligayahan ng dalaga nang sa wakas ay nakita at nakilala na niya ang ama kaya nabanggit niyang, “Buo na ang pagkatao ko.”
Ilang araw lang namalagi sa Pilipinas si Mr. Schnittka na kinailangang bumalik kaagad ng Germany kaya nabitin ang bonding ng mag-ama. Nagsabi noon si Julia na siya naman ang dadalaw sa ama para makilala na rin ang mga kaanak nila roon, pero hindi natupad dahil naging abalang-abala ang aktres sa seryeng Doble Kara at pagkatapos naman ay agad siyang isinalang sa Wansapanataym Presents: Annika Pintasera.
Umabot ng mahigit tatlong buwan ang Annika Pintasera kaya hindi makaalis ng bansa si Julia. Nitong mga nakaraang linggo, nasa pre-production naman ang bagong serye na pagbibidahan uli niya. Ang solusyon, pinabalik niya sa Pilipinas ang ama kasama ang pamilya nito.
Ka-text namin ang handler ni Julia na si Mac Merla ng Cornerstone Entertainment at base sa mga litratong kuha niya ay napakasaya ng aktres habang kasama ang mga kapatid na sina David at Kevin na ngayon lang din niya nakilala.
“Natutuwa siya, ang dami nilang similarities ng papa niya, and how protective he is to her,” say ni Mac.
Hanggang ngayong Sabado lang sina Julia sa Palawan dahil sa Lunes, Hulyo 10 ay pabalik na uli ng Germany ang pamilya ng ama.
Usaping Wansapanataym, patapos na ang Annika Pintasera. Sa huling episode ay mas mahirap ang daan ng dalaga tungo sa kaligtasan dahil paubos na ang magical paint brush at hindi na mabawi ni Fairy Sylvia (Maris Racal) ang sumpa.
Dagdag pa rito ang pagbabalik ni Glen (Nico Antonio), ang lalaking dapat sanang pakakasalan ni Annika, upang maghiganti at ilagay siya sa bingit ng kamatayan pati ang pamilya ni Jerome (JC Santos).
Tuluyan na nga kayang maubusan ng oras si Annika at makulong sa loob ng painting? Paano niya mahahanap ang halik ng tunay na pag-ibig? Makaligtas kaya sila mula sa kamay ni Glen?
Ang mga kuwentong puno ng aral at inspirasyon ang nakakakuha ng malakas na suporta ng mga manonood sa Wanspanataym Presents: Annika Pintasera. Umabot ang rating nito sa 26.7% nitong nakaraang Linggo (July 2) kumpara sa katapat na Kapuso Mo Jessica Soho (19.5%) base sa data ng Kantar Media.