Ni ALI G. MACABALANG

Ikinalulungkot ng mga Pilipinong Muslim ang tila kawalan ng pag-aalala o tulong man lamang ng mayayamang bansang Muslim para sa pagbangon ng Marawi City, ang nag-iisang Islamic city sa Pilipinas.

“The BIG QUESTION: Has anybody from the rich petro-dollar Muslim countries provided humanitarian assistance to over 300,000 Muslim bakwits from Marawi City and Lanao del Sur? How about the OIC (Organization of Islamic Cooperation)? Heard from them? Hello? Knock, knock. Is anybody home?” tanong ni Robert Maulana Marohombsar-Alonto sa kanyang Facebook post kamakailan.

Napahayag ng pagkadismaya si Alonto, dating miyembro ng grupo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na nagbalangkas sa panukalang paglikha ng Bangsamoro autonomous entity sa Mindanao, sa mga balita kamakailan na ang mayaman sa langis na Kingdom of Saudi Arabia (KSA) at United Arab Emirates (UEA) ay nangako nitong Mayo ng $100 milyong tulong sa Women Entrepreneurs Fund ng World Bank, isang inisyatiba ni US first daughter at senior White House adviser Ivanka Trump.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Pinuna ni Pinoy Muslim convert na si James “Ahmad Jamil” Castro, isang academician, na habang ang mga bansang miyembro ng OIC gaya ng KSA at UAE “have the penchant to help a questionable non-Muslim individual undertaking, they have not made any sort of consoling words or assistance commitments to their distressed Islamic brethren in Marawi City.”

Ayon sa mga ulat, mahigit 300,000 residente ng Marawi City at mga katabing bayan sa Lanao del Sur ang lumikas sa kanilang mga tirahan dahil sa bakbakan ng mga puwersa ng gobyerno at ng mga militanteng Muslim simula Mayo 23.

Naglaan ang pamahalaang Duterte ng paunang P20-bilyon para sa pagbangon ng Marawi City na kaagad sisimulan kapag natapos na ang madugong digmaan na ikinamatay na ng 500 katao. Naniniwala ang militar na malapit nang matapos ang giyera.

Sinabi ni Castro na marahil ay naghihintay lamang ang KSA at UAE at iba pang mayayamang miyembro ng OIC na banggitin na kailangan nilang tulungan ang “strife-gripped people of Marawi City and Lanao del Sur.”

Ngunit idiniin ni Alonto, sa isa pang paskil sa Facebook, na walang nagpaalala sa U.S., Israel at China, ngunit ang tatlong bansang hindi naman Muslim ay boluntaryong nagkaloob ng tulong para sa pagbangon ng Marawi City.

Ilan pang prominenteng personalidad sa social media ang nagsabing dapat isabuhay ng mayamang Brunei Darussalam, KSA, UAE at iba pang miyembro ng OIC ang “Islamic doctrine that all Muslims are brothers, that the pain of one is a concern of another.”