Ni: Mary Ann Santiago

Nalagutan ng hininga ang isang babae habang sugatan naman ang dalawa niyang kamag-anak makaraang pagbabarilin ng lalaking idinemanda umano ng isa sa mga kamag-anak ng mga biktima, sa Tondo, Maynila kamakalawa.

Kinilala ni PO3 Roderick Magpale, ng Manila Police District (MPD)- Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), ang nasawi na si Julieta Saga, 48, habang sugatan naman sina Cholo Sabdao, 6; at Darren Williams, 24, pawang ng 1314-C Juan Luna Street, Tondo.

Samantala, tumakas naman ang itinuturong suspek na si JR Nicolas, tinatayang nasa edad 30-35, ng Bacoor, Cavite.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Base sa imbestigasyon, naganap ang pamamaril sa isang eskinita sa Barangay 45, malapit sa Juan Luna St.

Napanood sa closed-circuit television (CCTV) footage ang pagdating ng suspek at pagdiretso nito sa bahay ng mga biktima.

Pagpasok sa bahay, agad umanong nagpaulan ng bala si Nicolas at tinamaan sina Saga at Sabdao.

Narinig ni Williams ang mga putok ng baril kaya lumabas ito mula sa kuwarto at siya ay binaril.

Kumaripas ang suspek at sumakay sa isang motorbike at tumakas patungo sa direksiyon ng Tayuman.