OAKLAND, Calif. (AP) – Nakatakdang koronahan si Stephen Curry bilang unang US$200-million-dollar man sa kanyang henerasyon sa NBA.
Inaasahang lalagda ang two-time MVP ng Golden State Warriors ng ‘supermax’ contract na limang taong sa halagang US$201M – ipinapalagay na pinakamalaking kontrata sa kasaysayan ng NBA.
Isiniwalat ni Adrian Wojnarowski ng ESPN na selyado na ang kontrata matapos lagdaan nitong Biyernes (Sabado sa Manila), ayon kay Jefft Austin ng Octagon Sports, ang agent ni Curry.
Tumanggap lamang ng US$18 milyon si Curry sa kanyang huling season sa nilagdaang apat na taong kontrata na nagkakahalaga ng US$44 milyon – isang taon ang nakalipas bago nakuha ni Curry ang unang MVP award nitong 2015.
Nabawasan ng konti ang production ni Curry matapos makuha si Kevin Durant sa nakalipas na season tangan ang averaged 25.3 puntos, 6.6 assist at 4.5 rebound. Nangunguna si Curry sa three-point made sa liga.
Lumagda rin ng bagong kontrata – tatlong taon na nagkakahalaga ng US$24 milyon – si free agent Shaun Livingston.
Nakatakda ring lumagda ng bagong kontrata sina Durant at 2015 Finals MVP Andre Iguodala.