Ni: Bert de Guzman
TULAD ng dalawang siyudad sa Syria—ang Mosul at Aleppo—ang Marawi City sa Mindanao ay wasak na wasak bunsod ng halos walang puknat na pambobomba ng militar sa layuning mapalaya ang lungsod sa mga demonyong terorista ng Maute Group (MG) na biglang umatake noong Mayo 22. Ang Marawi City ay 90 porsiyentong Muslim, isang napakaganda at maunlad na siyudad sa Mindanao.
Tahimik ang mga residente ng Marawi City, masisipag at nagtatrabaho. Sila ay sumusunod sa aral at katuruan ng Koran, nagmamahal sa kapwa tao, iginagalang ang kababaihan, at binibigyang proteksiyon ang katandaan at mga bata. Gayunman, dahil sa impluwensiya ng IS (Islamic State) na nais magtatag ng Caliphate sa buong mundo, maging ang Maute brothers ay naging marahas na rin matapos mag-aral sa Middle East, partikular sa Jordan at Egypt. Sana ay matapos na ang giyera sa Marawi City, muling makabangon ang siyudad at makapamuhay ang mga mamamayan na ang gabay ay ang mabubuting aral at turo ng Koran.
Nais ba ninyong panatalihing malusog ang utak kahit matanda na? Batay sa report ng National Academies of Sciences, Engineering and Medicine, malaki ang naitutulong ng exercise at tamang diet para manatiling malusog ang utak sa panahon ng katandaan. Aminado ang siyensa at medisina na walang “proven ways” upang mapigilan ang paghina ng utak o isip (dementia).
Batay sa bagong report, sinasabing ang exercise, pagkontrol sa blood pressure at iba pang uri ng pagsasanay sa utak, ay maaaring makatulong sa patuloy na paglusog ng utak. Hiniling ng National Institute on Aging sa National Academies na pag-aralan kung makatutulong ang sumusunod:
1. Makontrol ang high blood pressure, lalo na sa middle age. Kailangan ng mga taong may alta-presyon ang gamutan upang mapigil ang pagkakasakit sa puso at stroke (sa utak); 2. Pagkakaroon ng pinaigting na physical activity. Gaya ng payo sa high blood pressure, kung ano ang makabubuti sa puso ay mabuti rin sa utak; 3. Ang cognitive training at specific techniques na ang layunin ay mapalakas ang pangangatwiran, paglutas sa problema, memorya at bilis ng mental processing. Aba, tama pala ang ginagawa ko at ng aking ex-GF na araw-araw ay naglalakad at nag-eexercise.
Binalewala lang ni “Weder-Weder President” Joseph Estrada ang mga report na kumakalat sa social media (Socmed) na may plano ang IS-inspired Maute terrorist group na magsagawa ng pambobomba sa Quiapo at iba pang parte ng Maynila.
Nanawagan siya sa publiko na huwag magkalat ng ‘di beripikadong impormasyon na nababasa sa Internet. “Walang dapat ikabahala tungkol dito. Malayong mangyari ang ganitong banta,” pahayag ni Weder-Weder lang, este Pangulong Erap.
Si President Rodrigo Roa Duterte ay may dugong-Maranaw. Madalas niyang sabihin sa publiko na ang kanyang lola ay isang Maranaw. Humingi siya ng paumanhin sa taga-Marawi City dahil sa kalapastanganan ng Maute Group na nagbunga ng pagkamatay ng marami, pagkakasugat ng iba pa, pagkawasak ng napakagandang siyudad. Sa okasyon ng Eid’l Fitr ng mga Muslim noong Hunyo 25, hinikayat niya ang mamamayan na ituon ang isip at lakas sa pagpapalaganap ng kapayapaan at kapatiran sa buong bansa.
Nakapagtataka nga lamang kung bakit ang tulad ng mga demonyong MG ay nakasasambit pa ng Allahu Akbar (Dakila ang Diyos) subalit karahasan at lagim naman ang idinudulot sa kapwa tao. Nakasisira sila sa pangalan at dangal ng mabubuting Muslim. Naniniwala si Mindanao Development Authority Chairman Datu Abul Khayr Alonto na “blasphemous” at hindi karapat-dapat na tawagin o ituring na Muslim ang mga kasapi ng MG na sumalakay sa Marawi City sapagkat labag sa banal na Koran ang mga pagpatay at kalapastanganan na kanilang ginawa.