Ni: Leandro Alborote
GERONA, Tarlac - Halos maligo sa sariling dugo ang isang 31-anyos na lalaki makaraang pagtatagain ng katana, o mahabang itak na gamit ng samurai, sa Barangay Don Basilio sa Gerona, Tarlac, kahapon ng umaga.
Kinilala ni PO2 Kristoffer Zulueta ang nasawi na si Anacleto Jimenez III, ng Bgy. Poblacion South, Ramos, Tarlac.
Sa follow-up investigation ni Chief Insp. Jonathan Taliwan, deputy chief of police ng Gerona Police, suspek sa kaso si Noel Quimbo, 47, may asawa, tricycle driver, ng Purok Bagkok, Bgy. Abogado, Paniqui, na pinaghahanap pa ng mga awtoridad.
Sinabi ng saksing si Marites Pabuayon, 46, ng Bgy. Poblacion Norte, Paniqui, na sakay sila ni Jimenez sa tricycle na minamaneho ni Quimbo at nang pumara siya ay nagsisigaw umano ang suspek ng “Sinisira mo ang buhay ng pamilya ko!” na kausap si Jimenez.
Nagtatakbo sina Jimenez at Pabuayon ngunit naabutan ni Quimbo ang una at pinagtataga ng katana.