Ni: Mary Ann Santiago

Arestado ang isang lalaki na umano’y nangikil ng P20 sa isang tricycle driver sa Sta. Cruz, Manila kamakalawa.

Hinuli ng awtoridad si Jerry Mationg, 49, ng 1687 LRC Compound, Claro M. Recto Avenue matapos ireklamo ni Niel Omalin, 35, ng 101 P. Ducos Street, Quiapo, Maynila.

Sa ulat mula sa tanggapan ni Police Supt. Arnold Thomas Ibay, hepe ng Manila Police District (MPD)-Station 3, nangyari ang pangingikil sa Claro M. Recto Avenue, kanto ng Evangelista St., bandang 10:00 ng umaga.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Ayon kay Omalin, sakay siya sa kanyang tricycle at tatawid sana ng Claro M. Recto Avenue nang harangin siya ng suspek at hingan ng P20, kapalit umano ng pagtulong sa kanya sa pagtawid ng kalsada.

Nang tumangging magbigay ng pera si Omalin, hinarang umano ng suspek ang kanyang daraanan at pinilit siyang magbigay ng pera.

Napansin naman nina PO1 Jayson Urayenza at PO1 Jomel Banuelos ng Plaza Miranda Police Community Precinct (PCP) ang pagtatalo ng dalawa at agad dinampot si Mationg at dinala sa presinto at sinampahan ng kasong robbery extortion.