Ni: Vanne Elaine P. Terrazola

Simula sa Agosto, sisimulan na ng pamahalaan ang pamamahagi ng mga driver’s license na magagamit sa loob ng limang taon, sinabi kahapon ni Transportation Secretary Arthur Tugade.

Sa pagsalang sa MB Hot Seat, sinabi ni Tugade na ipamamahagi ng kagawaran ang five-year-valid license cards sa tatlong milyong driver na nag-apply ng bago at nag-renew ng lisensiya simula noong Oktubre 17 ng nakaraang taon.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sinabi ng Land Transportation Office (LTO) na ipinoproseso na ng ahensiya ang pag-iimprenta ng mga mas pinatibay na lisensiya na gawa sa polycarbonate plastic at may mas maayos na security features.

Sa oras na magsimula ang LTO sa pamamahagi ng lisensiya na mas pinahaba ang validity period, maaari nang kunin ng mga bagong driver at ng mga nag-renew ang kanilang lisensiya sa LTO counters.

Sinabi rin ni Tugade na pinag-iisapan na nila ang pagtanggap ng online application para sa mga driver na walang record ng paglabag sa batas trapiko.

Samantala, nananatiling positibo si Tugade na mareresolba nila ang problema sa plaka na ngayon ay umabot na sa 7.1 milyon.