Ni: Light A. Nolasco
GAPAN CITY, Nueva Ecija - Kapwa patay ang isang mag-asawa at malubhang nasugatan ang isa pa makaraan silang pagbabarilin ng hindi nakilalang suspek sa Maharlika Highway sa Barangay Sto. Niño sa Gapan City, Nueva Ecija.
Sa ulat ni Supt. Peter Madria, hepe ng Gapan City Police, kay Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) director Senior Supt. Antonio C. Yarra, nakilala ang mga nasawi na si Lolito Padilla Abiog, 59; at asawa nitong si Marites Sta. Ines Abiog, 59, kapwa ng Likod Drive, Bgy. San Nicolas, Gapan City.
Sugatan naman si Mary Grace Francisco Victorino, 40, residente ng Bgy. Sto. Niño na tinamaan sa binti.
Nabatid na dakong 2:30 ng hapon nitong Sabado at lulan ang mag-asawa sa kanilang kotse (WIU-708) na minamaneho ni Jeffrey Sta. Ines Abiog, 29, patungong Bgy. San Nicolas nang huminto dahil sa trapiko.
Bigla umanong sumulpot sa kanang bahagi ng sasakyan ang gunman at sunud-sunod na pinaputukan ang mag-asawa.