Ni ALI G. MACABALANG, May ulat nina Lyka Manalo at Jel Santos

ILIGAN CITY – Matapos ihayag ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na malapit nang matapos ang krisis sa Marawi City at pagkumpirma ng mga opisyal ng pamahalaan sa kahandaang simulan kaagad ang rehabilitasyon sa lungsod, nagpahayag ng matinding pagkasabik ang mga Muslim na evacuees sa Iligan City na maipagdiwang nila ang Eid’l Fitr sa kanilang mga sariling tahanan at maisagawa ang mga rituwal ng Islam na hindi nila nagawa habang nasa evacuations camp.

Ang Eid’l Fitr ay ang kapistahan upang ipagdiwang ang pagtatapos ng isang-buwang pag-aayuno o Ramadhan ng mga Muslim sa mundo.

Ipagdiriwang ang Eid’l Fitr sa Lunes, Hunyo 26, isang non-working national holiday.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

SIMPLENG SELEBRASYON LANG

“Lagi akong nagdarasal na matapos na sana ang labanan bago pa ang Eid’l Fitr. Gusto sana naming ipagdiwang ‘yun, kahit gaano pa kasimple, basta sa loob ng mga bahay namin,” sabi ni Akmad Pantao, isang 59-anyos na ama sa apat na bata.

Ayon sa isa pang refugee na si Maimona Sumorang, 61, may tatlong anak at apat na apo: “Hindi na kami nakapag-fasting dahil sa sitwasyon naming ito, pero alam kong naiintindihan kami ng Allah. Simpleng selebrasyon lang sa Marawi ang gusto namin para sa Eid’l Fitr.”

Sa isang evacuation camp sa Balo-i, Lanao del Norte, kapansin-pansin ang pagkakatulala ng 39-anyos na si Ismael habang kandong ang kanyang sanggol na anak, bakas ang trauma at pag-aalala sa kanyang mukha.

Ayon sa mga kaanak, naiwan ni Ismael ang apat na nakatatandang anak sa Marawi matapos silang sapilitang bitbitin ng mga awtoridad sa paglilikas sa kasagsagan ng labanan nitong Mayo 26. Wala umanong balita si Ismael sa sinapit ng mga anak hanggang sa mga sandaling ito.

Sa kainitan ng nagpapatuloy na pakikipagbakbakan ng militar at pulisya laban sa Maute Group sa Marawi, hindi makapagbigay ng partikular na petsa ang mga awtoridad kung kailan maaaring pabalikin sa kani-kanilang tahanan sa siyudad ang mahigit 200,000 nagsilikas na residente.

Sa ngayon, inihanda na ng emergency response committee, na pinangungunahan ni Lanao del Sur Vice Gov. Mamintal Adiong Jr., ang open field sa loob ng kapitolyo sa Marawi para pagdausan ng sama-samang pagdarasal para sa Eid’l Fitr.

Ayon kay Dr. Habib Macaayong, presidente ng Mindanao State University (MSU) system, magkakasya ang hanggang 15,000 Muslim sa malawak na athletic field ng main campus sa Marawi para sa tradisyunal na pananalangin sa Lunes ng umaga.

DONASYON BUMUBUHOS

Samantala, naihanda na ng mga taga-Batangas ang kinolektang donasyon ng lalawigan para sa mga taga-Marawi.

Mahigit sa 100 sako ng bigas, instant noodles, de-lata, gamot at iba pa ang nakalap ng tanggapan nina Congressman Marvey Mariño at Batangas City Mayor Beverley Dimacuha na ihahatid ng C130 plane mula sa Villamor Air Base sa Pasay City kasama ang ilang miyembro ng Batangas City Muslim Community.

Magpapadala ring muli ng relief goods sa Marawi ang pamahalaang lungsod ng Valenzuela matapos na mamahagi ng nasa P3 milyon halaga ng relief goods sa evacuation sites na tinutuluyan ng mga taga-Marawi.