Ni: Bert de Guzman

WALANG seryosong sakit si President Rodrigo Roa Duterte. Siya ay nasobrahan lang ng pagod dahil sa sunud-sunod na aktibidad bunsod ng pagsalakay ng Maute Group sa Marawi City na ikinamatay ng 58 sundalo at pulis. Dinalaw niya ang mga sugatang kawal at pinuntahan ang burol ng mga namatay, kabilang ang walong tauhan ng Philippine Marines, na ang mga labi ay dumating sa Villamor Airbase. Habang sinusulat ko ito, hindi pa nagpapakita sa publiko ang POTPH (President of the Philippines) bagamat nagpakita ng dalawang larawan ang trusted aide niyang si Christopher “Bong” Go na okey lang si PRRD.

Sana ay nakabawi na si Mano Digong matapos ang pamahahinga habang sinusulat ko ang kolum na ito. Hangad ng sambayanang Pilipino ang pagbuti ng kanyang kalusugan upang maisulong ang giyera laban sa ilegal na droga, at pagsugpo sa teroristang Maute Group (MG) na ang hangarin ay makapagtatag ng Caliphate sa Mindanao. Sabi nga ni Presidential spokesman Ernesto Abella na lubhang napagod ang 72-anyos sa nakalipas na 23 araw sa pangangasiwa sa martial law sa Mindanao at pag-aasikaso sa mga namatay at sugatan.

“I’m saying that there is nothing to worry about in terms of sickness, major sickness. Considering the schedule that he has given, he needs to rest, “ paliwanag ni Abella na tulad ng Pangulo ay posibleng liyebo 70 na rin. Dahil sa pangungulit ng ilang reporter tungkol sa kalagayan ng kalusugan ng POTPH, tumugon si Abella ng ganito: “’Di ba kayo man ay kailangan ding magpahinga?”.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Dahil sa pagkakahawig ng ad ng Department of Tourism (DoT) sa ad na gawa mula sa South Africa, ipinasiya ng DoT na hindi ituloy at pawalang-saysay ang P650-million contract nito sa McCann Worldgroup Philippines na inakusahan ng plagiarism o pangongopya. Ang kasalukuyang slogan ng DoT ay “It’s More Fun in the Philippines.” Ang ad ng McCann para sa DoT ay tungkol sa isang bulag na Japanese man na nakaranas ng magagandang sandali sa Pilipinas sa pamamagitan ng iba niyang senses o pandama.

Ang TV commercial na ginawa ng ad agency na may titulong “Sights” ay umani ng batikos mula sa publiko na kinopya lang sa ad na may pamagat na “Meet South Africa.” Ang “Sights” ay isa sa apat na commercials na ginawa ng McCann para sa DoT sa taong ito. Ang una ay may titulong “Anak” na inere nang idaos sa bansa ang Miss Universe pageant noong Enero.

Sabi ni DoT Asst. Sec. Ricky Alegre: “We saw glaring similarities between the ones produced by McCann and for South Africa in 2014.

Inamin ni PNP Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na natuto na siya ng leksiyon noong manood siya ng laban ni boxing icon Sen. Manny Pacquiao sa Las Vegas. Hindi na raw siya manonood ng bakbakan nina Pacquiao at Australian boxer Jeff Horn sa Brisbane, Australia. Pinuna si Gen. Bato dahil sa pagtanggap ng libreng biyahe kasama ang pamilya para panoorin ang laban ni Pacman kay Jessie Vargas.

Nitong Nobyembre, 2016, iniutos ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na imbestigahan si Bato dahil sa posibleng liability nito sa pagtanggap ng “an all-expenses paid trip” sa Las Vegas para manood. Nais ni Carpio-Morales na malaman kung liable sa graft si Bato sa pagtanggap ng libreng biyahe kay Pacquiao. Aminado si Gen. Bato na binayaran ng boxer-senator ang biyahe niya at ng pamilya sa Las Vegas. Binayaran ng Senador ang airfare, mga tiket, hotel at binigyan pa siya ng allowance at ang pamilya.

Kung mabagsik at masakit magsalita si PDu30, masakit at mabagsik ding magsalita si Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez.

Ayaw niyang sundin ang utos ng Court of Appeals (CA) na palayain ang anim na opisyal at tauhan ng Ilocos Norte na nakadetine sa Kamara kaugnay ng umanoy kurapsiyon sa lalawigan. Dinalaw ni ex-Sen. Bongbong Marcos ang mga detenido na noon pang Mayo 29 nakakulong matapos patawan ng... contempt of court ng House committee on good government and public accountability matapos umanong tumangging sumagot sa mga katanungan tungkol sa illegal na procurement ng P66.45 milyong halaga ng mga sasakyan ng provincial government.

Binira ni Speaker Bebot ang CA justices dahil sa kanilang “gross ignorance of the law.” Tinawag pa niyang mga idiot ang mga ito. Maliwanag na ito ay labanang pulitikal nina Majority Leader Rodolfo Fariñas at ng mga Marcos sa Ilocos Norte. Si Fariñas ang nagpapaimbestiga kay Ilocos Norte Gov. Imee Marcos at sa anim pang iba bunsod umano ng kurapsiyon. Abangan ang “Battle Royale” ng mga Marcos at ng mga Fariñas! Antabayanan din natin ang laban niya kay VP Leni Robredo.