Ni: Bella Gamotea
Nilinaw kahapon ng Manila International Airport Authority (MIAA) na walang banta ng anumang kaguluhan o terorismo sa apat na terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Iginiit ni MIAA General Manager Ed Monreal sa publiko na nananatiling ligtas ang paliparan at walang dapat na ikatakot.
Ipinaliwanag ni Monreal na ang paggamit ng high-powered arms o matataas na kalibre ng baril ng mga security personnel sa apat na terminal ng NAIA ay bilang bahagi ng security measures at protocol.
Ang mga pribadong guwardiya na kinuha ng MIAA ay armado ng shotgun, automatic machine gun o high-powered rifles at ipinaiiral ang buddy system sa pag-iikot sa paligid ng paliparan.
Regular din ang mabusising pag-inspeksiyon sa mga bagahe at pag-iikot ng bomb sniffing dogs para tiyakin ang seguridad ng publiko.