Ni: Bert de Guzman

HINDI nakadalo sa ika-119 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan si President Rodrigo Roa Duterte (PRRD), ang sana ay kauna-unahan niyang pangunguna sa pagtataas ng bandilang Pilipino bilang presidente ng Pilipinas. Napagod daw si PRRD dahil sa sunud-sunod na aktibidad at pagdalaw sa mga napatay at sugatang kawal at pulis sa Marawi City siege. Mula sa Cagayan de Oro City o Iligan City at iba pang mga lugar, lumipad si Mano Digong kahit gabi na para salubungin at magbigay-pugay sa 13 Marines na napatay ng mga terorista. Ang walong bangkay ay dumating sa Villamor Airbase.

Si Pres. Rody ay hindi na bata. Siya ay 72-anyos at marahil ay pinakamatandang nahalal na pangulo sa bansa na nagtamo ng 16.6 milyong boto. Si ex-Pres. Fidel V. Ramos, na medyo matanda na rin nang nahalal noong 1992, ay 64 taong gulang lamang at nakapagdya-jogging pa. Dahil hindi nakadalo si PDu30, si Vice Pres. Leni Robredo ang nanguna sa selebrasyon.

Ayon kay beautiful Leni, lima o 10 minuto lang niya nalamang hindi makadadalo ang Pangulo, at inabisuhang siya na ang manguna sa selebrasyon ng ika-119 na anibersaryo ng Araw ng Kasarinlan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Noong Miyerkules, sinabi ni Lt. Gen. Carlito Galvez, hepe ng Western Mindanao Command (WestMinCom), na ang teroristang Maute Group (MG) at Abu Sayyaf Group (ASG) ay nagtatago na lang sa apat na barangay ng Marawi City. Ito, ayon kay Galvez, ay taliwas sa claims o pahayag ng Islamic State (IS) na kontrolado nila ang buong siyudad.

“Binubuo lang ito ng 20 porsiyento ng Marawi City at ito ay lumiliit pa araw-araw,” pahayag ni Galvez.

Ang apat na barangay na kinaroroonan ng may 120 hanggang 200 teroristang MG at ASG ay inaasahang ganap na makukubkob ng mga sundalo sa susunod na ilang araw. Batay sa huling ulat ng militar, may 225 terorista ang napatay samantalang 59 sundalo at pulis ang nagbuwis ng buhay sa Marawi City siege.

Sa wakas, nailagay o naitanim din ang bandilang Pilipino sa ilalim ng dagat sa Benham Rise noong Araw ng Kasarinlan upang patunayan ang ganap na pag-angkin nito sa naturang teritoryo. Nagtagumpay ang magkasanib na military at civilian divers na mailagay ang Philippine Flag sa ilalim ng dagat sa kabila ng malakas na underwater currents.

Lulan ng BRP Davao del Sur, naitaas ang watawat na gawa sa standard fiberglass ng mga technical diver ng Philippine Army, Philippine Navy, Philippine Air Force, Philippine Coast Guard at civilian partners. Tumagal ng 19 na minuto, ayon sa report, ang paglalagay sa bandila na naka-attach sa 8-by-meter, six-by-six-thick marker upang paalalahanan ang sino mang pupunta o magagawi roon na ang buong lugar, ang 13-million-square -kilometer underwater plateau, ay teritoryo ng Pilipinas.

Nagpasalamat si VP Robredo sa US government sa pag-ayuda sa AFP sa operasyon laban sa Maute Group. Binigyang-diin niya ang importansiya ng pagkakaroon ng magandang relasyon sa international community. “We thank not just them (US) but all those who are providing assistance to us. This is the essence of community of nations, in times of need they help each other,” pahayag niya.

Sa kabilang dako, binatikos ni Robredo si Justice Sec. Vitaliano Aguirre II dahil sa paggamit ng “fake news” sa pagdadawit sa mga oposisyong senador sa pag-atake ng MG sa Marawi City. Nagbabala si VP Leni sa paghina ng mga demokratikong institusyon bunsod ng pagkakamali ni Aguirre sa media nang gamitin nito ang lumang larawan upang isangkot ang tagasalungat na mambabatas, kabilang sina Sens. Bam Aquino at Antonio Trillanes at Magdalo Rep. Gary Alejano.

Bilang halimbawa, binanggit niya si Aguirre. “Meron tayong puno ng Dept. of Justice na nagsasabi ng mga bagay na hindi totoo. Palagay ko ay nakaaalarma ito sapagkat ang departamento ang siyang dapat manguna sa pagkakaloob ng hustisya sa lahat.”