Ni: Celo Lagmay
HINDI miminsang walang kagatul-gatol na ipinahayag ni Secretary Manny Piñol ng Department of Agriculture (DA): Sapat ang ating inani. Ibig sabihin, malaki ang iniangat ng ating inaning bigas na makasasapat hanggang sa susunod na anihan.
Naniniwala ako sa obserbasyon ni Piñol. Sa aming barangay sa Zaragoza, Nueva Ecija, halimbawa, malaki ang isinulong ng ani ng ating mga magsasaka. Sa kabila ito ng pabagu-bagong panahon o climate change na laging nagbabanta hindi lamang sa mga palayan kundi maging sa mga gulayan. Bastante ang ating produksiyon.
Dahil dito, hindi rin miminsang ipinahiwatig ni Piñol: Bakit kailangan pa nating umangkat ng bigas? At sa mga bansa pa naman na tulad ng Vietnam, Thailand at iba pa na sa atin lamang natuto ng mga pamamaraan hinggil sa maunlad na pagsasaka. Maraming Vietnamese, Thailander at iba pang lahi ang nagtapos ng pag-aaral sa ating Central Luzon State University (CLSU) at sa University of the Philippines – Los Baños (UPLB) – mga paaralan na bantog sa buong daigdig sa mga kurso sa agrikultura. Isang malaking kabalintunaan na tayo ngayon ang umaangkat ng bigas sa naturang mga bansa.
Napag-alaman ko na ang punto de vista ni Piñol ay kahawig din ng pananaw ni Nueva Ecija Governor Cherry Umali. Sa pahayag ni Atty. Al Abesamis, provincial administrator, hindi na dapat umangkat ng bigas kung sapat naman ang ating produksiyon: maliban na lamang kung matindi ang ating pangangailangan.
Natitiyak ko na ang paninindigan ni Gov. Umali ay nakaangkla sa sapat na ani sa Nueva Ecija – ang tinaguriang Rice Granary of the Philippines. Maaaring ganito rin ang pananaw ng iba pang local government officials (LGUs) na tulad ng Pangasinan, Isabela, Bulacan at iba pang probinsiya na matataas din ang rice production.
Marapat lamang na mapanatili, at kung maaari ay paigtingin pa, ang ating mataas na produksiyon. Sa pamamagitan ng DA, hindi dapat panghinayangan ang pagbuhos ng tulong sa ating mga magsasaka. Kailangang pangatawanan ng administrasyon ang ipinangakong libreng patubig at pagkakaloob ng makabagong makinarya at iba pang agricultural implements; kabilang na rito ang crop insurance, pautang at iba pang kaluwagan na makapagpapasigla sa mga magbubukid. Kaisa si Gov. Umali sa adhikaing ito.
Hindi marahil kalabisang hilingin sa pamunuan ng aming lalawigan na hikayatin ang ating mga kalalawigan na maging bahagi ng maunlad na pagsasaka tungo sa pagkakaroon ng sapat na produksiyon.