Ni: Mary Ann Santiago

Masayang inihayag ng isang opisyal ng Department of Transportation (DOTr) na pumasa ang karamihan sa mga tren ng Metro Rail Transit (MRT)-3 sa isinagawang safety checks.

Ayon kay Transportation Undersecretary Cesar Chavez, 90 porsiyento ng kanilang light rail vehicles (LRV) ang nakapasa sa isinagawang non-destructive ultrasonic testing of axles samantalang ang natitirang iba pa ay isinasailalim pa rin sa pagsusuri hanggang sa kasalukuyan.

“Pumasa, hindi pa lahat, overwhelming majority, say close to 90 percent. Meron pang tine-test, okay na. 'Yung ultrasonic test parang lunch box 'yan na ikinakabit mo sa axle,” ani Chavez.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kaugnay nito, inihayag din ni Chavez na tuluyan nang naibalik sa normal ang operasyon ng mga tren ng MRT-3 kahapon ng umaga.

Dakong 5:57 ng umaga ay nasa 18 tren na ng MRT ang bumiyahe sa bilis na 40 kilometers per hour (kph) na may four-minutes headway ngunit pagsapit ng 6:00 ng umaga ay naging 16 na tren na lamang ito.

Una nang nagbawas ng biyahe ang MRT-3 at binagalan ang takbo ng kanilang mga tren ng hanggang 20 kph upang bigyang-daan ang pagsasagawa ng safety check sa mga tren nang madiskubre na isa sa ito ang nagkaroon ng diperensiya sa axle.