Ni: Mary Ann Santiago

Target ng Department of Transportation (DOTr) na maipatupad muli ang kontrobersiyal na Anti-Distracted Driving Act (ADDA) bago matapos ang Hulyo.

Natapos na ng DOTr ang pagbabago sa implementing rules and regulations (IRR) ng naturang batas at nakatakda na itong ilalathala sa mga pahayagan.

Inaasahan na magiging epektibo kaagad ang ADDA, 15-araw matapos mailathala sa mga pahayag ang bagong IRR.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Nilinaw ni DOTr assistant secretary for legal affairs Leah Quiambao na sa ilalim ng bagong IRR, ipinagbabawal lamang ang paghawak o paggamit ng mga mobile at electronic gadgets habang nagmamaneho o habang nakatigil sa traffic light o intersection.

Papayagan ang paggamit ng mga ito kung mayroong hands-free function.

Ayon pa kay Quiambao, hindi sakop ng ADDA ang mga dashboard camera (dashcam) ngunit ilagay ito sa likod ng rearview mirror para sa kaligtasan.

Kasama rin sa revised IRR ang kahulugan ng “line of sight,” na papayagan ang pagkakabit ng mga device sa loob ng “safe zone” o hindi lalagpas ng apat na pulgada mula sa dashboard.

Mahigpit na ipinagbabawal sa ADDA ang paghawak sa device para tumawag, mag-text o magbasa ng text, magsagawa ng calculation, maglaro, manood ng video at mag-browse sa Internet.

Iginiit ng DOTr na ang mga pagbabagong sa IRR ng ADDA ay upang matiyak ang kaligtasan ng mga driver, pasahero at pedestrian.

Ipinatigil ng DOTr ang implementasyon ng ADDA matapos maging kontrobersiyal ang bagong batas nang ipagbawal nito maging ang pagsabit ng rosaryo at paglagay ng imahe ng mga santo sa dashboard ng sasakyan.