Photo courtesy of PRO-10 (Northern Mindanao) based in Cagayan de Oro.

Ni: FRANCIS T. WAKEFIELD

Tiniyak kahapon ni Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Ronald “Bato” dela Rosa sa publiko na ligtas ang Metro Manila sa anumang banta ng terorismo, partikular mula sa Maute Group.

Ito ang inihayag kahapon ni Dela Rosa sa panayam sa kanya sa Manila Bulletin Hot Seat sa tanggapan ng pahayagan sa Intramuros, Maynila.

Human-Interest

Dating ALS learner, isa nang ganap na police officer

Sa panayam, sinabi ni Dela Rosa na wala silang namo-monitor na presensiya ng Maute Group sa Metro Manila, sa kabila ng posibilidad na ilan sa mga ito ang maaaring makalusot palabas ng Marawi.

“Hindi naman ibig sabihin [kung sakaling] andito sila, eh, hindi na safe ang Metro Manila,” sabi ni Dela Rosa. “Pero wala kaming namo-monitor na andito sila. Safe tayo dito. Walang dapat ipag-alala ang mga tao.”

Sa kabila nito, sinabi ni Dela Rosa na pinaigting pa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang seguridad sa Metro Manila, at isinailalim ito sa Red Alert Status.

“We have intensified the security especially at the camp of the NCRPO as some members of the Maute family are detained there at Camp Bagong Diwa. We are really guarding them,” sabi ni Dela Rosa.

“We take no chances na may mangyari pa rito sa Metro Manila.”

MAUTE BOMBER NADAKMA

Kaugnay nito, naaresto kahapon ng madaling-araw ng pinagsanib na operatiba ng Martial Law Special Action Group (ML SAG) ng militar at pulisya ang sinasabing bomber ng Maute, sa Cagayan de Oro City.

Kinilala ni Brig. Gen. Gilbert Gapay, tagapagsalita ng Martial Law implemetation sa ilalim ng Eastern Mindanao Command, ang wanted na miyembro ng Maute na si Mohammad Noaim Maute, alyas Abu Jadid.

Ayon kay Gapay, naaresto si Maute sa Sta. Cruz, Macasandig, Cagayan de Oro, bandang 5:30 ng umaga kahapon.

Upang makaiwas sa pagdakip, gumamit umano si Maute ng pekeng student ID ng Mindanao State University sa pangalang Alfaiz P. Mamintal.

Sa parehong panayam, hindi itinanggi ni Dela Rosa ang posibilidad na tumakas si Maute mula sa Marawi sa pamamagitan ng pagpapanggap na evacuee.

“Yes, that’s a possibility because he was already arrested in the Cagayan de Oro area. So, nakalabas siya [sa Marawi]. He might have joined other evacuees who fled the city,” ani Dela Rosa.