Ni: Celo Lagmay
DAPAT lamang asahan ang pag-agapay ng mga mapagmahal sa katahimikan sa pakikidigma ng ating mga sundalo at pulis laban sa mga bandidong Maute Group na walang habas sa paghahasik ng terorismo; na determinado sa paglupig ng Marawi City at sa pagpapabagsak ng administrasyon.
Halos hindi natin namalayan ang pagsaklolo ng mga sundalong Amerikano sa ating mga alagad ng batas upang magkaloob ng mga tulong na teknikal na lubhang mahalaga sa pagtultol sa mga rebelde. Bagamat hindi pinahihintulutang lumahok sa pakikipaglaban o actual war, may karapatan naman ang US troops na magbigay ng technical assistance sa tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa Philippine National Police (PNP).
Ang pagsaklolo ng mga sundalong Kano, kung hindi ako nagkakamali, ay itinatadhana ng Mutual Defense Act, Visiting Forces Agreement (VFA) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Totoong may mga limitasyon ang pagsaklolo ng US troops, subalit isang bagay ang maliwanag: Pinahihintulutan silang mamalagi sa Pilipinas at magbunsod ng magkatuwang na PH-US military exercises; magtayo ng mga pasilidad para sa ating mga kawal at sa pagpapalakas ng kanilang depensa.
Isa pa, inaakala ko na mistulang nagpumilit ang US troops na magtungo sa Marawi City hindi lamang upang magkaloob ng technical assistance sa ating mga sundalo kundi upang tugisin ang bandidong lider ng Abu Sayyaf Group (ASG) na si Ishilon Hapilon. Ang naturang rebelde ang utak ng pagkidnap ng mga Amerikano na nagtutungo sa Mindanao. Katunayan, ang US government ay naglaan ng $5 milyong pabuya para sa pagdakip kay Hapilon.
Eksperto ang mga sundalong Kano sa pagtultol at pagpuksa ng mga kampon ng kasamaan. Magugunita na sila ang nakapatay sa isa pang bandidong ASG – si Abu Sabaya. Mahaba at mapanganib na panahon din ang iniukol ng ating mga alagad ng batas laban sa naturang rebelde. Subalit sila ay nabigo.
Maging ang Moro National Liberation Front (MNLF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) ay nag-alok din ng tulong sa pakikipagdigmaan sa mga bandidong Maute Group. Tila nagparamdam din ng pagsaklolo ang National Democratic Front (NDF). At maaaring marami pang mapagmahal sa katahimikan ang masidhi sa pagtulong sa ating mga security forces laban sa mga tampalasang rebelde.
Natitiyak ko na ang ganitong mga pagsaklolo ay hindi hinangad ni Pangulong Duterte, lalo na ang US assistance.
Gayunman, nagpahayag naman siya ng pasasalamat. Marahil, nagising siya sa katotohanan na ang nabanggit na mga grupo ay tunay na mga kapatid ng ating mga sundalo at pulis sa pakikidigma sa mga palalong rebelde.