SA kabila ng madamdamin at mataimtim na paggunita kahapon ng ika-119 na anibersaryo ng kasarinlan ng ating Republika, hindi pa rin maituturing na ganap na malaya ang mga Pilipino, mailap pa rin ang ating kalayaan sa iba’t ibang larangan ng pakikipagsapalaran at pamumuhay.

Huwag na tayong lumayo. Sa Marawi City lamang, wala pa ring puknat ang bakbakan ng Maute Group at ng ating mga sundalo at pulis na humantong sa kamatayan at pagkasugat ng marami, kabilang na ang mga sibilyan. Bukod pa rito ang pagkawasak ng mga bahay, gusali at iba pang ari-arian na natitiyak kong matatagalang magkaroon ng ganap na rehabilitasyon.

Hindi natitigatig ang Maute Group sa kanilang pakikidigma at paglupig sa naturang siyudad dahil marahil sa pagsuporta ng ISIS (Islamic State of Iraq and Syria); kabilang na ang kanilang mga kapanalig na mga negosyante, local government units (LGUs) officials at ng mismong ilang grupo ng mga Muslim sa nasabing lugar.

Mabuti na lamang at nananatiling matatag ang determinasyon ng ating mga alagad ng batas sa paglipol ng mga tampalasang rebelde na walang inaalagata kundi lupigin hindi lamang ang Marawi City kundi ang marami pang teritoryo.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

May mga haka-haka na bahagi rin ng kanilang misyon ang pagpapabagsak sa administrasyon sa pakikipagsabuwatan ng ilang lider ng oposisyon.

Hindi pa rin tayo nakahuhulagpos sa mistulang pagkaalipin sa West Philippine Sea o Scarborough Shoal na pinag-aagawan ng ilang bansa na pinangungunahan ng higanteng China. Hindi pa rin natin ganap na naiwawagayway ang bandilang Pilipino sa naturang teritoryo sa kabila ng desisyon ng Permanent Arbitration Court na iyon ay tunay na pag-aari ng Pilipinas.

Hanggang ngayon, tila hindi maawat ang China sa pagtatayo ng mga proyekto. Hindi ba ito patunay ng mapangahas na pang-aagaw ng nasabing bansa sa mga teritoryo na hindi nila pag-aari? Ito kaya ay palatandaan ng panlalamig ng Duterte administration sa... implementasyon ng desisyon ng nabanggit na arbitration court?

Hindi pa rin tayo ganap na malaya laban sa paglipana hindi lamang ng mga sugapa sa bawal na droga kundi maging sa mga drug lords na walang patumangga sa pagpasok sa bansa ng mapamuksang shabu. Kamakailan lamang, bilyun-nilyong pisong halaga ng illegal drugs ang nasamsam ng ating mga awtoridad sa isang bodega sa Metro Manila. Isang malaking milagro na iyon ay nakalusot (o pinalusot) sa Bureau of Customs. Ilan lamang ito sa mga patunay na mailap pa rin ang kalayaan. (Celo Lagmay)