Hindi umubra sa taguan ang dalawang lalaki at isang babae nang makuha sa kanila ang baril, bala, hinihinalang shabu at drug paraphernalia sa anti-illegal drugs operation sa Las Piñas City, nitong Huwebes ng gabi.
Kasalukuyang nakakulong sa Las Piñas City Police ang mga suspek na sina Sonny Boy Botones y Baquir, Claudio Castillo y Mizende at Lydia Roja y Pancito, pawang nasa hustong gulang, ng Pulang Lupa Dos ng nasabing lungsod.
Sa ulat ng Southern Police District (SPD), dakong 7:40 ng gabi, nagsagawa ng anti-illegal drugs operation ang mga tauhan ng Las Piñas City Police sa Pulang Lupa Dos.
Nabulaga at hindi na nakapalag pa ang tatlong suspek nang posasan ng awtoridad.
Nakumpiska sa tatlo ang isang armscor .9mm pistol, kasama ang isang magazine na may 18 bala; dalawang pakete ng hinihinalang shabu; at drug paraphernalia.
Sasampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Article II, RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), at RA 10591 (Illegal Possession of Firearms and Ammunitions) sa Las Piñas Prosecutor’s Office. (Bella Gamotea)