Nagmungkahi ang mga senador sa Bank of the Philippine Islands (BPI) na maaaring makatulong ang National Bureau of Investigation (NBI) sa kanilang internal probe sa nangyaring system glitch kahapon.
Ayon kay Senador Francis “Chiz” Escudero, chairman ng Senate committee on banks, financial institutions and currencies, ito ay upang matiyak na walang salbaheng hackers na nakialam sa internal data ng bangko, na labis na ikinagulat ng kanilang mga kliyente.
Sang-ayon din si Escudero sa balak ng Banko Sentral ng Pilipinas (BSP) na imbestigasyon sa technical glitch.
“BPI and BSP, perhaps with the help of the cybercrime division and the NBI, should look into it and not simply brush it aside,” sabi ni Escudero nang hingan ng komento. “I don’t want to make any conclusions until it has been thoroughly investigated by competent authorities.”
Sinabi rin ni Sen. Grace Poe nakabuti rin sa BPI management ang mabilis nitong pagbibigay ng impormasyon sa mga kliyente nito tungkol sa problema.
Hinimok din niya ang publiko na manatiling kalmado at umaasa siya na mabilis na mareresolba ng BPI ang problema.
(Hannah L. Torregoza)