AMBUSHED_PNP_OFFICER

SAN CARLOS CITY, Pangasinan - Patay ang isang pulis na miyembro ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng San Carlos City Police matapos na tambangan, habang sugatan ang isa pang pulis na reresponde sana makaraang masaksihan mismo ang ambush sa Barangay Agdao, San Carlos City, Pangasinan, kahapon ng umaga.

Kinilala ni Supt. Nestor Cusi, hepe ng San Carlos City Police, ang napatay na si PO2 Jimbo Agtarap, habang sugatan naman si PO1 Rachael Cancino, kapwa operatiba ng San Carlos City Police.

Mag-aalas otso ng umaga nang mangyari ang insidente sa Bgy. Agdao habang papasok sa duty si Agtarap.

Totoo bang nangangamatis ang bagong tuling ‘pututoy’ kapag nakita ng babae?

Pinagbabaril ng mga hindi nakilalang suspek si Agtarap at nagkataon namang dumadaan si Cancino, na kaagad na rumesponde pero binaril din siya ng mga salarin bago nagsitakas.

Kaagad na naglunsad ng dragnet operation ang pulisya at sa Bgy. Dalangiring sa Urbiztondo ay namataan ng tropa ni Chief Insp. Joshua Maximo ang paparating na Hi-Ace Grandia.

Ayon kay Maximo, umatras ang van at inabandona bago nagtatakbo sa bukid ang mga suspek.

Nakita sa loob ng van ang isang baril na may silencer at mga bala.

Habang isinusulat ang balitang ito ay patuloy pang tinutugis ng mga pulis mula sa San Carlos, Urbiztondo, Mangatarem, at Calasiao ang mga salarin. (Liezle Basa Iñigo)