Warriors, sinalanta ang Cavs; umabante sa 2-0.
OAKLAND, California (AP) — May katwiran si LeBron James ng kanyang ilarawan ang Golden State Warriors bilang ‘Monstars’ na nag-aabang sa West.
Ratsada si Kevin Durant sa naiskor na 33 puntos – ikalawang sunod na higit sa 30 puntos (kumana siya ng 38 sa Game 1) – habang naitala ni Stephen Curry ang unang career postseason triple double para sa isa pang dominasyon ng Warriors sa Cleveland Cavaliers, 132-113, nitong Linggo (Lunes sa Manila) sa Game 2 ng NBA best-of-seven Finals sa Oracle Arena.
Ang masakit pa sa Cavs, nagbalik ang shooting touch ni Kyle Thompson – ang kalahati ng pamosong ‘Splash Brothers’ – sa naisalansan na 22 puntos, tampok ang apat na three-pointer, gayundin ang muling pag-upo sa bench ni reigning NBA Coach of the Year Steve Kerr mula sa anim na buwang pahinga.
“He’s been around, the last couple weeks especially, giving us input and giving us what he’s got,” pahayag ni Curry patungkol sa pagbabalik ni Kerr.
“But having him back on the bench means a lot. We love his presence. We love his voice. And we’re a full group when he’s out here. So that means a lot,” ayon sa reigning back-to-back MVP na tumipa ng 32 puntos, 11 assist at 10 rebound.
Nahila ng Golden State ang marka sa postseason sa 14-0 para lumapit sa isa pang kasaysayan – unang koponan na magkampeon na walang talo sa postseason.
At maitatala nila ito sa Game 3 at 4 sa teritoryo ng Cavaliers sa Quicken Loans Arena.
Tulad sa Game 1, impresibo ang laro ni James na kumubra ng sariling triple-double -- 29 puntos, 14 assist at 11 rebound – ngunit, kapos pa rin siya sa ayuda mula sa mga kasangga, sa kabila ng naiambag nina Kevin Love na 27 puntos at Kyrie Irving na may 19 puntos.
“We turned the ball over too much in the first half. But the second half, I think we settled in, tried to play simple and defensively just tried to contest their shots,” pahayag ni Durant.
Sa kabila ng dinaramang sakit bunsod ng komplikasyon sa operasyon sa kanyang likod, nanatiling gumagabay si Kerr sa Warriors sa dugout, ngunit sa pagkakataong ito hindi na nakatiis ang six-time NBA champion at muling inupuan ang koponan.
“I’m going to pull out the ‘Win one for the Gipper’ speech,” pabiro ni Kerr. “... Maybe get a little teary-eyed.
Implore them to win it for me because it’s not important for them to win it for themselves.”
Sa kanyang presensiya, higit na naging ganado ang Warriors, higit si Curry na muling nasilayan ang mala-MVP na porma kung saan ilang beses niyang binasag ang depensa na ibinakod ni James.
Sa pagbabalik sa Northeast Ohio, target nang Warriors na tapusin ang serye at ipaghiganti ang nakapanlulumong kabiguan sa nakalipas na season matapos makalamang sa 3-1.
“Well, it’s been a great run but none of that matters unless we can finish the job with this series,” pahayag ni Kerr. “Trust me, we know. It was 2-0 last year, we lost.”