Nasa 23 milyong estudyante sa mga pampublikong paaralan ng Department of Education (DepEd) sa bansa ang inaasahang magbabalik-eskuwela ngayong Lunes, sa pagsisimula ng klase para sa school year 2017-2018.

Itinakda ng DepEd ngayong Hunyo 5 ang pagbubukas ng klase sa lahat ng pampublikong kinder, elementary at secondary schools sa bansa.

Gayunman, naurong ang pagbabalik-eskuwela sa Marawi City at sa mga karatig-lugar nito dahil na rin sa pagpapatuloy ng bakbakan ng pulisya at militar laban sa Maute Group sa siyudad.

Sa mga susunod na linggo, nasa apat na milyon pang estudyante sa mga pribadong paaralan sa bansa ang magbabalik-eskuwela.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Dahil naman sa implementasyon ng Grade 12, alinsunod sa Senior High School (SHS) Program ngayong school year, tinataya ng DepEd sa walong porsiyento, o 12 milyon, ang nadagdag sa enrolment sa mga pampubliko at pribadong paaralan.

Mula sa 25 milyong enrolee noong 2016-2017, pinaghandaan ng DepEd ang nasa 27 milyong estudyante na magbabalik-eskuwela ngayong taon sa lahat ng paaralan sa bansa.

‘GENERALLY READY’

Una nang sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na ang kagawaran ay “generally ready” upang tanggapin ang milyun-milyong estudyante sa bansa ngayong taon.

“We cannot say with 100 percent certainty that everything is there,” sabi ni Briones nang tanungin tungkol sa taun-taong kakapusan sa silid-aralan, libro, libro at iba pang pasilidad na bumubulaga sa mga estudyante at mga magulang sa pagbubukas ng klase. “We are only saying that generally ready but there will be certain schools, certain areas na malalayo, na hindi mahahabol.

KULANG NA NAMAN

Kaugnay nito, iginiit naman kahapon ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Party-list na hindi handa ang DepEd sa pagbabalik-eskuwela ngayong Lunes, at inaasahang kulang na naman ang mga silid-aralan, pasilidad at maging mga guro.

“Teachers and students are again to face the same problems. There are still no sufficient teachers, classrooms, facilities and equipment and other instructional and teaching materials. Several schools have double, even triple shifts,” sabi ni Benjamin Valbuena, ACT national chairperson.

Sinabi naman ni Rep. Antonio Tinio na ang “most significant shortage” sa larangan ng edukasyon ay ang bilang ng out-of-school youth.

Aniya, nasa 3.4 milyong bata ang hindi makapag-aral “due to lack of schools especially in far flung communities.”

2,000 TRAFFIC ENFORCER IPAKAKALAT

Samantala, magpapakalat naman ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng nasa 2,000 traffic enforcer sa Metro Manila ngayong Lunes kaugnay ng balik-eskuwela.

Ayon sa MMDA, dakong 5:30 ng umaga ay magpapakalat na ang ahensiya ng libu-libo nitong traffic enforcer na magmamando ng trapiko sa mga lansangan.

Naghanda rin ang MMDA ng mga sasakyang magbibigay ng libreng-sakay sa mga posibleng maapektuhan ng transport protest caravan ng Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) sa Metro Manila at sa mga karatig lugar ngayong Lunes. (Merlina Hernando-Malipot, Betheena Kae Unite, at Bella Gamotea)