Philippines Attack

“When I saw him armed and approaching the casino, nakitakbo na ako. Nagtago ako sa kitchen area ng restaurant kasama ang dalawang babae roon.”

Ito ang kuwento ni Eric Calderon III, mahigit 20 anyos, matapos niyang makita ang matangkad na lalaking mukhang dayuhan papasok sa restaurant. Nakasuot ang lalaki ng itim na bonnet, vest, boots at armado ng “very long gun”.

Ayon kay Calderon, nasa loob siya ng restaurant katabi ng casino room sa ikalawang palapag ng Resorts World Manila sa Pasay City nang mamataan niya ang papalapit na armado, bandang 12:05 ng madaling araw kahapon.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

“Everything went shutdown, we just want to hide sa lahat ng exit points,” kuwento ni Calderon sa Balita.

Sinabi ni Calderon na nakitakbo siya sa ibang nag-panic nang makita ang papalapit na armado, at sa kusina siya dumiretso. Pinagkasya niya ang sarili sa isang garbage bag habang nanginginig sa takot na biglang pumasok sa kusina ang lalaki.

“’Yung isang babaeng kasama kong nagtatago, bumubulong siya, nagdadasal siya. Sabi ko sa kanya: ‘Wag kang magsalita, ‘wag kang magdasal. Nasa labas pa ‘yung lalaki.”

Walong oras na naghintay sa kanyang pinagkukublihan si Calderon habang “playing dead” sa loob ng garbage bag sa kusina sa determinasyong makaligtas sa anumang karahasang nangyayari.

Bandang 8:00 ng umaga nang pumasok sa kusina ang mga awtoridad na nakasuot ng “civilian clothes” at na-rescue sila.

“Nablangko na ang isip ko. Pagkatapos kong ligtas na makalabas, noon lang ako nagdasal. Takot na takot talaga ako, at sobrang nagpapasalamat na nakaligtas ako,” sabi ni Calderon.

Personal ding nakita ni Roscoe Fernandez, guest sa hotel, ang armado sa ikalawang palapag ng gusali.

Ayon kay Fernandez, armado ng mahabang baril, nagpapaputok ang suspek paitaas sa loob ng halos dalawang minuto.

“I didn’t see anything companion pero he was indiscriminately firing upwards but he wasn’t shooting anyone kaya nataranta na kami. We went to the fire exits,” ani Fernandez, at sinabing nagkandado siya at kanyang mga kasama sa basement ng gusali sa loob ng isa’t kalahating oras.

“Walang humahabol sa kanya na security kami lang ang tumatakbo. After that there were smoke coming out dun sa windows,” dagdag ni Fernandez.

38 NASAWI, 78 SUGATAN

Tatlumpu’t walo ang nasawi, kabilang ang nag-iisang suspek at ang misis ni Pampanga 3rd District Rep. Aurelio Gonzales, at wala ni isa man sa kanila ang may tama ng bala kundi pawang na-suffocate sa usok, habang 78 iba pa ang nasugatan sa pag-atake sa nasabing hotel sa Pasay City.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief, Director General Ronald “Bato” Dela Rosa, inaalam pa ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng aniya’y “foreign looking” na suspek na maputi, matangkad, at malaki ang katawan.

Nagtungo rin ang suspek sa storage room ng chips at tinangay ang P113 milyon halaga nito na isinilid sa dalang backpack subalit naiwan nito sa comfort room.

Nasugatan din ang suspek matapos mabaril ng security personnel ng hotel makaraang makipagpalitan ng putok na ikinasugat sa hita ng guwardiyang si Bernard Cajigas.

SINILABAN ANG SARILI

Dumiretso ang suspek sa Room 510, nagbalot ng kumot bago nagbuhos ng gasolina sa sarili at sinilaban ang sarili.

Isa pang sunog na sunog na bangkay ng lalaki ang hindi pa rin nakikilala hanggang sa kasalukuyan.

Bukod sa suspek, nasawi rin ang 37 katao, at kabilang sa mga biktima sina Caccam Katherine Cervantes, Ling Hung Lee, Pacita Guillermo Comquilla, Pomenciano Vargas, Jr., Susan Abulencia, Lai Wei Chung, Jaime Gaboy Jr., Ariel Abrogar, Lai Yu Cheeh, Cliff Reyneira, Rolando Peña Sison, Eluterio Reyes, Antonina Yuzon Allanigue.

Pinangalanan din ng hotel na mga biktima sina Sheila Malicse, Carmelita Taylo Dela Cruz, Mielle Oliveros, Pamela Silvestre, Elizabeth Gonzales at apat iba pa na hindi pa kilala, pawang hotel guests.

Mga empleyado naman ng hotel sina Hazel Yangco, Jellah Ramos, Melvin Herrera, Arvi Gavino, BJ Pagsibigan, Rojie S. Uy, Jessica Alindogan, Merylle Gwen Ala, Lea Grace Mozo, Loudette Santos, Kay Nuguerra at dalawa pang hindi pinapangalanan.

Kinumpirma rin ni Dela Rosa ang pagkamatay ng misis ni Cong. Gonzales na si Elizabeth Gonzales.

(MARTIN SADONGDONG at BELLA GAMOTEA)

[gallery ids="246957"]