ANG pagsalakay ng Maute Group sa Marawi City ay itinuturing na gawaing rebelyon, at dahil dito ay nagdeklara ng batas militar si Pangulong Duterte sa Mindanao. Makalipas ang ilang araw ng bakbakan, nananatili pa rin ang Maute sa ilang bahagi ng siyudad, kabilang na sa Marawi City Jail at sa kalapit na Malabang District Jail.
Matagal nang nagdurusa ang mamamayan ng Mindanao sa mga karahasang tulad ng pag-atake sa Marawi City. Sinalakay ng Moro National Liberation Front (MNLF) ang Zamboanga City noong 2013. Ang massacre sa Mamasapano noong 2015 ay kinasangkutan ng mga mandirigma ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Nagsagawa rin ng mga pag-atake ang mas maliliit na grupo, tulad ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, sa mga mas liblib na lugar sa rehiyon. At nariyan din ang Abu Sayyaf, na eksperto na sa pambibihag para makasingil ng ransom, pinupugutan ang ilang dayuhang biktima na nabigong maibigay ang hiningi nilang ransom.
Ang kaibahan ng pagsalakay ng Maute sa Marawi City, na nagbunsod upang magdeklara si Pangulong Duterte ng batas militar ay isang bagong elemento—ang banyagang impluwensiya ng pandaigdigang organisasyon ng mga terorista na tinatawag na Islamic State (IS) at Islamic State of Iraq and Syria (ISIS). May mga dayuhang mandirigma na sumalakay sa Marawi—mula sa Malaysia at Indonesia—at posibleng maging mga Arabo mula sa Gitnang Silangan, ayon sa mga lokal na residente. Ang Maute at ang mga dayuhang mandirigma ay sinasabing naiimpluwensiyahan ng radikal na kilusan ng ISIS, kaya naman bitbit din nila ang itim na bandila nito.
Malaking bahagi ng mundo ng mga Muslim ang tumatanggi sa ideyolohiya ng ISIS na naghahangad na magtatag ng isang pandaigdigang caliphate. Nananamlay na ang puwersa ng ISIS sa Gitnang Silangan, mariing pinapalagan ng mga gobyernong Islam ng Syria at Iraq. Nakatakda silang itaboy ng nagsanib-puwersang militar ng Iraq, ng sandatahan ng mga Shiite, Sunni at Kurdish, at ng tropang Amerikano. Ang pagsalakay nila sa Marawi City ay nagpapahiwatig na hinahangad nila ang isang bagong terirtoryo—ang Timog-Silangang Asya, partikular na ang Mindanao.
Nanawagan na si Pangulong Duterte sa MILF, sa MNLF, at maging sa NPA upang tulungan ang pamahalaan na hadlangan ang plano ng ISIS na magtatag ng sangay nito sa Mindanao. Pinadalhan siya ng liham ni Nur Misuari, ang pinuno at nagtatag ng MNLF, upang magpahayag ng kahandaang tumulong na matuldukan ang krisis sa Marawi City.
Matagal nang nakikipaglaban sa gobyerno ang mga armadong grupong ito dahil sa iba’t ibang ipinaglalaban nila, karamihan ay para sa repormang pulitikal at pang-ekonomiya, ngunit naniniwala ang Pangulo na kaisa natin ang mga ito, bilang mga Pilipino, sa pagtutol sa dayuhang puwersa ng ISIS.