Warriors at Cavaliers sa Game 1 ng NBA Finals ngayon.
OAKLAND, Calif. (AP) — Kakayahang magkampeon sa Golden State ang dahilan sa desisyon ni Kevin Durant para lisanin ang Oklahoma. Ngayon, pitong laro o mas maigsi pa ang pagitan niya sa katuparan ng pangarap na makapagsuot ng ‘championship ring’.
Handa na ang mundo ng basketball para saksihan ang makasaysayang ‘Trilogy’ sa kampeonato sa pagitan ng Golden State Warriors at Cleveland Cavaliers simula ngayon (Huwebes ng gabi sa US) sa Game 1 ng best-of-seven Finals – at ang lahat ay nakatuon kay Durant at sa hinahangad niyang koronasyon.
Bukas na libro ang paghahagad nina Stephen Curry at Draymond na maipaghiganti ang nakapanlulumong kampanya sa nakalipas na season, habang target ni LeBron James ang ikaapat na korona para makalapit sa marka ng kanyang idolong si Michael Jordan.
Subalit, walang pasubali na sentro ng usapin ang pagkakataon ni Durant na maging kampeon at patunayang hindi siya nagkamali sa desisyon na lisanin ang Oklahoma para sumapi sa tinaguriang ‘super team’ sa liga.
“I can’t go out there and do everything on my own or I can’t go out there and just let my teammates do all the work for me,” pahayag ni Durant matapos ang shoot around nitong Miyerkules. “I got to do my part and we all got to make it come together as a group.”
Ang ikatlong kabanata sa hidwaan ng Cavs at Warriors ay nagbigay naman ng pagkakataon kay James na bigyan muli ng kasiyahan ang Ohio mula nang matikman ang unang major team championship mula noong 1964.
Nakapagwagi na si James ng dalawang kampeonato bilang miyembro nang isa pang “super team” sa Miami, ngunit ang tagumpay sa nakalipas na taon at higit na nagpatibay sa kanyang marka.
“I’m not in the ‘prove people wrong, silence critics’ department no more,” sambit ni James. “I got a promotion when I got to the 30s. At the end of the day, I know the way I’m built. My only motivation is to be able to compete for a championship every single year.”
Ito rin ang ikalawang pagkakataon na magkakaharap sa Finals sina Durant at James mula noong 2012 kung saan nakamit ng Cavs superstar ang unang kampeonato sa panig ng Miami Heat laban sa Thunder sa Game 5. Sa naturang serye, matikas ang performance ni Durant na may averaged 30.6 puntos mula sa 55 percent shooting.
“I know I’ve grown as a player just through experience from the last five years, but if I don’t go out there and execute, none of that matters,” pahayag ni Durant.
Mapapanood ang buong serye ng live sa ABS-CBN Channel 2.