SI ex-Pres. Noynoy Aquino ay binansagang Boy Sisi (o Boy Panot) dahil mahilig sisihin si ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo . Si ex-Pres. Arroyo naman ay tinawag na Taray Queen dahil mabilis magalit at magtaray noong siya ang presidente sa loob ng 9 na taon. Si ex-Pres. Fidel V. Ramos ay Mr. Tabako dahil laging nakasupalpal ang walang sinding tabako. Si Tita Cory ay tinawag na Queen of Darkness dahil sa araw-araw na brownout noon. Si ex-Pres. Estrada ay Weder-Weder lang. Ngayon ay meron daw Boy Rape ayon sa mga mapagbirong kababayan at netizen dahil sa hilig magbiro sa rape.
Bukambibig ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang pagmumura. Palihim siyang tinawag noon na Boy Mura. Pero may nag-text sa akin na dapat daw ay palitan na ito bunsod ng pagbibiro niya tungkol sa rape. Isang rape joke ang ginawa niya sa Iligan City sa harap ng mga sundalo na binisita niya dahil sa Marawi City siege ng teroristang Maute Group.
Sinagot ko siya na walang malisyang pagbibiro lang iyon. Ang rape joke ay para pagaanin ang kalooban ng mga kawal sa gitna ng tensiyon sa pakikipaglaban sa mga terorista. Nais ni PRRD na ikintal sa isipan ng mga sundalo at pulis na pananagutan niya ang lahat ng gawain nila, pati na ang rape (na isang biro lang), at kung kinakailangan ay sasamahan sila sa giyera kaya lang ay matanda na siya (72 anyos).
Sabi nga ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II sa mga kritiko ni Mano Digong: “Masanay na kayo sa mga biro niya.”
Sabi naman ng kalabaw caricature sa isang English broadsheet: “Joke, joke, joke!”. Si Duterte na lumampaso kina Mar Roxas, Grace Poe, Miriam Defensor-Santiago (RIP) sa pamamagitan ng kanyang 16.6 milyong boto, ay nagbibiro lang at walang malisya.
Gayunman, may mga sektor o indibiduwal na hindi nagustuhan ang kanyang rape joke, tulad ni Chelsea Clinton, anak nina ex-US Pres. Bill Clinton at Hillary. Sa inis ni Chelsea, tinawag si Pres. Rody bilang “murderous thug”. Sa ‘Pinas, umani ng batikos ang rape joke ng Pangulo mula sa mga kasapi ng GABRIELA, Commision on Human Rights, Etta Rosales.
Grace Poe, atbp. Naniniwala silang hindi maganda at kanais-nais sa isang lider ng bansa na magbiro tungkol sa isyu ng panggagahasa, na ang laging biktima ay kababaihan, lalo na ang nasa kanayunan na walang kalaban-laban, sa mga sundalo, pulis at manyakis.
Siyanga pala, una sinabi ni Mano Digong na hindi niya pakikinggan ang Supreme Court at ang Kongreso tungkol sa deklarasyon ng martial law sa Mindanao. Katwiran niya, wala naman ang mga mahistrado at mambabatas sa lugar ng labanan, nasusugatan, nauubusan ng dugo at namamatay. Ang pakikinggan lang niya ay ang AFP at PNP.
Nang maliwanagan at marahil ay pinayuhan ng kanyang mga adviser at kaalyado na karapatan ito ng SC at Kongreso, kumambiyo ang Pangulo at sinabing kikilalanin niya ang SC tungkol sa isyu ng martial law. Sa banner story ng isang broadsheet, ganito ang nakalagay: “Rody won’t defy SC-- Palace.” (Bert de Guzman)