Sumuko nitong Sabado sa Joint Task Force Basilan ang apat na miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG).

Dahil sa pagsuko ng apat na bandido, nasa 64 na ang kabuuang bilang ng mga miyembro ng ASG na sumuko sa Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) simula Enero ngayong taon.

Sumuko ang mga terorista, na pawang tagasunod ng sub-leader na si Nurhassan Jamiri, sa mga tauhan ng 18th Infantry Battalion sa headquarters ng huli sa Sitio Camalig, Barangay Bohe Pahu sa Ungkaya Pukan, Basilan, bandang 2:00 ng hapon nitong Sabado.

Isinuko rin nina Usman Mussa, alyas “Akkus”; Balie Kasaran, alyas “Balie”; Sadar Tutuh Kasaran, alyas “Sadan”; at Sarwin Askalin Kasaran, alyas “Win”, pawang taga-Al Barka, Basilan, ang dalawang M16 rifle at isang .30 caliber M1 Garand rifle.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon kay Col. Juvymax Uy, commander ng Joint Task Force Basilan, sinabi ng mga bandido na pinili nilang sumuko matapos nilang malaman na napaslang na ang dalawang ASG sub-leader—sina Abu Rami, na napatay sa Bohol; at Alhabsy Misaya, na napaslang naman sa Sulu—sa loob lamang ng isang buwan.

Dagdag pa ng WestMinCom, lalong nanganib para sa kanilang buhay ang mga sumukong bandido makaraang magdeklara ng batas militar si Pangulong Duterte.

Matatandaang Martes, Mayo 23, naman nang sumuko sa militar sa Tawi-Tawi ang tatlong tauhan ng napatay na ring sub-leader na si Aljine Mundok, na sina Angki Haradja, Nickson Abdulmari Jalil, at Asil Sainuddin.

Kaugnay nito, nilinaw ni Lt. Gen. Carlito G. Galvez, Jr., commander ng WestMinCom, na hinding-hindi nila tatantanan ang pursigidong pagdurog sa Abu Sayyaf kahit pa nakatutok ngayon ang malaking puwersa ng militar sa Maute Group sa Marawi City, Lanao del Sur. (FRANCIS T. WAKEFIELD)