Walang panahon si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga taong bumabatikos sa desisyon niyang isailalim sa batas militar at suspendihin ang writ of habeas corpus sa Mindanao sa loob ng 60 araw, sinabi kahapon ng Malacañang.

Ito ay matapos tutulan ng ilang opisyal sa gobyerno, kabilang sina dating Pangulong Fidel Ramos, Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, at Senator Antonio Trillanes IV ang nabanggit na desisyon ng Pangulo at pinaalalahanan ang huli na huwag ulitin ang mga pagkakamali ng yumaong diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, pinagtutuunan ng Pangulo ang pagresolba sa mga banta sa Mindanao at walang oras na sagutin ang kanyang mga kritiko.

“The President’s focus is on addressing the terrorist threat in Mindanao, not on the misguided commentaries of critics,” pahayag ni Abella.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“He is committed to succeed in this mission and to restoring peace and order so that people throughout Mindanao can fully participate in our nation’s development,” dagdag niya.

Samantala, ipinagtanggol ni Abella si Duterte sa binitiwan nitong rape joke sa harap ng mga sundalo sa Iligan City nitong Biyernes, sinabing masyado lang pinalaki ng mga kritiko ang determinasyon ng Pangulo na akuin ang responsibilidad sa sitwasyon.

Matatandaang sinabi ni Duterte na aakuin niya ang anumang magiging resulta ng batas militar kahit pa manggahasa ng hanggang tatlong babae ang mga sundalo, biro niya.

“First and foremost, the President has the whole nation’s safety and protection in mind. He gave his full support to the men and women in uniform, taking complete responsibility for their actions, even exaggeratedly describing crimes like taking a fourth wife,” ayon kay Abella.

“As Commander-in-Chief he would stand by his personnel and that no one will be abandoned, including the fallen,” dagdag niya. - Argyll Cyrus B. Geducos