Hindi madadaanan hanggang sa Biyernes ng umaga ang apat na southbound lane ng Bonifacio Drive sa Maynila, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ang pagsasara sa kalsada ay dahil sa pagkakabit ng mga tubo kaugnay ng flood control project sa paligid ng Manila City Hall, ayon kay DPWH-National Capital Region Director Melvin Navarro.
Sinabi pa ni Navarro na apektado rin sa mga pagawain ang bangketa sa panulukan ng Bonifacio Drive at P. Burgos Street.
Para sa proyekto, magkakabit ng dalawang hilera na tig-27-lineal meter ang haba at 60 pulgada ang diameter na reinforced concrete pipe culvert.
Isinara sa mga motorista nitong Sabado, sinabi ng DPWH-NCR na aapurahin nila ang pagawain upang mabuksang muli ang mga lane sa ganap na 5:00 ng umaga sa Biyernes, Hunyo 2.
Dahil dito, pinayuhan ni Navarro ang magagaang na sasakyan na dumaan sa zipper lane sa northbound ng Bonifacio Drive. - Betheena Kae Unite