Matapos mag-alok ng pabuya si Pangulong Rodrigo Duterte laban sa hulidap cops, tuluyan nang sumuko ang pitong pulis na umano’y nanghingi ng shabu bilang ransom sa nobya ng Bilibid inmate na kanilang dinukot.
Ayon kay Chief Supt. Dionardo Carlos, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), unang sumuko ang limang pulis, dakong 8:00 ng gabi nitong Biyernes, na pawang nakatalaga sa Malabon City Police Drug Enforcement Unit.
Kinilala ang lima na sina PO2 Michael Angelo Solomon, PO3 Luis HIzon Jr., PO2 Michael Huerto, PO1 Jovito Roque Jr., at PO1 Ricky Lamsen.
Pagsapit ng 10:03 ng umaga kahapon, dalawa pa sa kanila ang sumuko at ito ay sina SPO2 Jerry dela Torre ng Criminal Investigation and Detection Group, at PO3 Bernardino Pacoma, ng Civil Security Group.
Matatandaang una nang naaresto ang apat sa kanila na sina SPO2 Ricky Pelicano, PO2 Wilson Sanchez, PO1 Joselito Ereneo, at PO1 Frances Camua.
“They are now facing criminal charges for robbery, kidnapping, carnapping and planting of evidence. They are also facing separate administrative charges,” ayon kay Carlos.
Nag-ugat ang kaso sa pagdukot sa 53 anyos na nobya ng Bilibid inmate na pilit umanong makapagbigay ng shabu sa tulong ng kanyang drug lord contacts upang makalaya.
Bukod diyan, tinangay din umano ng mga pulis ang sasakyan, pera at personal na gamit ng biktima bago tuluyang dinala sa Malabon City DEU detention cell.
“They were detained after the mandatory booking procedures with the consent of their lawyer. They will be under the restrictive custody of the CITF,” sambit ni Carlos. (Aaron Recuenco at Orly L. Barcala)