Ang pagkain ng konting tsokolate bawat linggo ay makapagpapababa sa panganib ng karaniwan at seryosong uri ng irregular heart rhythm, ayon sa bagong pag-aaral na isinagawa sa Denmark.
Ang mga taong kumain ng tsokolate ng isa hanggang tatlong beses sa loob ng isang buwan buwan ay halos 10 porsiyentong mababa ang posibilidad na masuri na mayroong atrial fibrillation kaysa mga kumain nito ng halos isang beses lang sa isang buwan, natuklasan ng mga mananaliksik.
“As part of a healthy diet, moderate intake of chocolate is a healthy snack choice,” sabi ng lead author na si Elizabeth Mostofsky, ng Harvard T.H. Chan School of Public Health at Beth Israel Deaconess Medical Center sa Boston.
Gayunman, hindi matiyak ng pag-aaral kung ang tsokolate nga ang pumipigil sa atrial fibrillation.
Iniulat ni Mostofsky at ng kanyang mga kasamahan sa Heart journal na ang pagkain ng cocoa at mga pagkaing may cocoa ay maaaring makatulong para magkaroon ng malusog na puso dahil nagtataglay ito ng mataas na antas ng flavanols, ang mga compound na pinaniniwalaang may anti-inflammatory, blood vessel-relaxing at anti-oxidant properties.
Natuklasan sa mga naunang pag-aaral na ang pagkain ng tsokolate -- lalo na ang dark chocolate na nagtataglay ng mas maraming flavanols -- ay iniugnay sa mas malusog na puso at nagpapababa ng panganib sa ilang kondisyon gaya ng heart attack at heart failure, anila.
Wala pang gaanong pananaliksik kung may kaugnayan din ang tsokolate sa mas mababang panganib ng atrial fibrillation, na nangyayari kapag iregular ang pagtibok ng upper chamber ng puso.
Para sa bagong analysis, gumamit ang mga mananaliksik ng datos na kinolekta sa long-term study sa 55,502 katao sa Denmark. Ang kababaihan at kalalakihan ay nasa 50 hanggang 64 anyos nang magsimula ang pag-aaral, at nagbigay sila ang impormasyon tungkol sa kanilang mga diet nang pumasok sa pag-aaral simula 1993 hanggang 1997.
Iniugnay ng mga mananaliksik ang diet data sa national health registries Denmark upang makita kung sino ang nagsuring may atrial fibrillation.
Sa kababaihan, ang pinakamalaking pagbawas sa panganib ay iniugnay sa pagkain ng isang serving ng tsokolate kada linggo. Sa kalalakihan, ang pinakamalaking pagbawas ay nangyari nang kumain sila ng dalawa hanggang anim na serving kada linggo.
“I think our message here is that moderate chocolate intake as part of a healthy diet is an option,” sabi ni Mostofsky. (Reuters)