SA kasalukuyan nating mundo na naging mistulang isang pandaigdigang pamayanan na lamang, malaki ang impluwensiya ng mabilis na mga pangyayari at pagsulong ng makabagong mga teknolohiya sa pananaw ng media, lalo na at napakabilis ang pagpapakalat ng mga balita.
Bunga ng pag-unlad ng teknolohiya, lumawak din direksiyon para sa mga peryodista. At habang napabilis, napalawak at napalinaw ang pagbabalita, umusbong naman ang isang alanganing media na tinawag na “social media.”
Kapansin-pansin din na ang balita ngayon ay nakatuon sa mga krimen, terorismo, mga pahayag ng mga pulitiko, eksperto at kritiko, kabilang ang mga komentarista at kolumnista. Tila kailangan ng mga peryodista na iayos ang sistema nila sa pagbabalita.
Gaganapin sa Hunyo 24 ang Allen Salas Quimpo Media Forum sa Kalibo, Aklan. Sana’y matugunan nito ang ilan sa mga nabanggit na obserbasyon. Itinataguyod ito ng Publishers Association of the Philippines (PAPI) at Federation of Press Clubs of the Philippines, sa pakikipagtulungan ng Aklan provincial government at Aklan Press Club (APC)/Kapihan sa Aklan. Layunin ng Forum na busisiin ang mga kasalukuyang isyu na makapupukaw sa interes ng media at publiko.
Bukod sa pagbibigay ng pagkakataon sa mga taga-media at mga panauhin na tamasahin ang yaman ng turismo ng Kalibo at Aklan, tututukan din ng naturang forum ang mga isyung may kaugnayan sa Dutertenomics, agrikultura, kapaligiran, pederalismo at mga legal development na tuwirang nakaaapekto sa media.
Idaraos ang event pagkatapos aprubahan noong Mayo 15 ng Senado, sa pamamagitan ng Committee on Public Information and Mass Media nito, ang mga pagbabagong susog sa laos nang Sotto Law na naglilimita sa saklaw ng media sources sa mga peryodista sa print media.
Sa ilalim ng susog, bubuksan ang media coverage ng mga kaganapan sa mga publisher, editor at reporter ng... mga peryodiko; sa mga broadcast at digital journalist, at mga banyagang media reporter at correspondent. Ang boto nito sa Senado ay 18-0. Walang tumutol.
“Under our proposed measure, we shall expand the coverage of RA 53, as amended, to any publisher, duly recognized or accredited journalist, writer, reporter, contributor, opinion writer, editor, manager, producer, news director, web master, cartoonist and media practitioner involved in
the writing, editing, production and dissemination of news for mass circulation, of any print, broadcast, wire service agency, or electronic mass media, including but not limited to the internet and cable TV and its variants,” pahayag ni Sen. Grace Poe, sponsor ng panukalang batas at chairperson ng komite. (Johnny Dayang)