ramirez copy

1,000 kabataan, nakiisa sa PSC-Children’s Game.

DAVAO CITY – Hindi kayang supilin ng karahasan sa Mindanao ang damdamin at paghahangad ng kabataang Pinoy na matuto at mapaangat ang kaalaman sa sports nang makiisa ang mahigit 1,000 estudyante at out-of-school youth sa Summer Children’s Games 2017 na nagsimula kahapon sa Almendras Gym Davao City Recreation Center.

Sa kabila ng pinaigting na seguridad sa lungsod bunsod nang kaguluhan sa Marawi City, Lanao del Sur na naging mitsa sa deklarasyon ni Pangulong Duterte ng Martial Law sa buong Mindanao, kinatigan ni Davao City Mayor Sarah Duterte ang pagpapalawig ng sports activities sa lalawigan at iniutos ang pagpapatuloy sa Children’s Game.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

“This is part of the Mindanao Sports for Peace Program. This is a summer program for children. We want to show that peacekeeping starts with the children. However, we consult the local leadership of Davao City and Mayor Sara tells us to go on,” pahayag ni William ‘Butch’ Ramirez, Chairman ng organizing Philippine Sports Commission (PSC).

Ayon kay Ramirez, hiniling ni Mayor Duterte na gawin ang programa sa umaga para makauwi ang mga kalahok sa kanilang mga tahanan nang mas maaga.

Ang Summer Children’s Games 2017 ay pampaganang event sa isinusulong na Sports for Peace Program ng PSC batay na rin sa kautusan ng Pangulong Duterte na ipaabot ang sports sa mga kabataang nasa malalayong lalawigan, higit yaong biktima nang mga karahasan at kaguluhan.

Tampok na programa sa Children’s Games ang boys 3-on-3 basketball (Davao City Police Office covered court), girls volleyball (Almendras Gym) at Larong Pinoy (DCPO field). Tatagal ang palaro hanggang bukas.

Bago ito, matagumpay din ang isinagawang Barangay Sports Education seminar sa Royal Mandaya Hotel.

“This is aimed not only to encourage interest in sports for health but also to foster peace,” pahayag ni Ramirez sa mga sports leader mula sa 30 barangay na kumakatawan sa tatlong Congressional district ng lungsod.

Ipinahayag naman ni Sports Development Division of the City Mayor’s Office (SDD-CMO) officer-in-charge Mikey Aportadera, kumatawan kay Mayor Duterte-Carpio, na aprubado din ang pagsasagawa ng Davao City Summerfest 2017 na nakatakda sa Crocodile Park simula ngayong weekend.

“The mayor said we push through with our program and the PSC’s program. Our Mayor is on top of the situation,” pahayag ni Aportadera.

“Our children are not only faced with terrorism threats but also ill effects of drugs. Sports is the only vehicle that can help transform and mold the children’s character,” sambit ni Aportadera.

Iginiit naman ni PSC Commissioner Charles Raymond A. Maxey na kasangga ng sports gency ang mga barangay executive para maisulong ang PSC’s grassroots program sa bansa.

Kinatigan ito ni Liga ng mga Barangay president at Davao City Councilor January Duterte.

“Sports has always been recognized as an important tool and a positive form of activity, diverting children’s energy and attention, keeping them from destructive adventures, fostering better relationships with each other and developing faith in themselves and aspire for greatness,” aniya.

Isinantabi rin ni Ramirez ang posibilidad na itigil ang mga programa ng PSC, kabilang ang consultative meeting para sa Philippine Sports Institute (PSI) bunsod nang kaguluhan sa Marawi City.

Kabilang ang PSC Team, sa pangunguna ni SEA Games long jump queen Elma Muros-Posadas, sa mga naipit sa Marawi City nang sumiklab ang karahasan sa isa sa pinakapayapang lungsod sa Southern Mindanao.

Maayos namang nakalikas ang grupo sa tulong ng lokal na pamahalaan at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) patungong Iligan City.

“Hindi tayo titigil. Ang Sports for Peace ay programa ni Pangulong Duterte sa Mindanao. Tuloy lang tayo,” sambit ni Ramirez.