Sinimulan na kahapon ang paglilikas sa libu-libong residente ng Marawi City upang tiyakin ang kanilang kaligtasan sa gitna ng patuloy na pagpupursige ng militar na maitaboy sa siyudad ang Maute Group, na nakuhang makubkob ang ilang barangay sa lungsod.

Sinabi ni Myrna Jo Henry, information officer ng Autonomous Region in Muslim Mindanao-Humanitarian Emergency Action and Response Team (ARMM-HEART), na 800 evacuee ang nakatuloy ngayon sa kapitolyo ng Lanao del Sur kasunod ng paglikas ng libu-libo palabas ng Marawi City.

“The report that we received is that starting this morning (Wednesday) and this afternoon, it appears that there is a march out of the City,” sabi ni Henry. “There are a lot of people walking heading out of the City and then there a lot of vehicles.”

Aniya, Martes pa lamang ay napapaulat na ang maramihang paglikas mula sa lungsod.

National

PNP, nakasamsam ng tinatayang <b>₱20B halaga ng ilegal na droga sa buong 2024</b>

“In the words of our vice governor (ARMM Vice Governor Haroun Alrashid Lucman Jr), Marawi City is like a ghost town.

If the description is ghost town, then probably thousands of people have already evacuated,” dagdag pa ni Henry.

Karamihan sa evacuees ay patungong Iligan City habang ang ilan ay papunta naman sa mga bayan ng Lanao del Sur.

Hindi pa nagbibigay ng aktuwal na bilang ng evacuees ang lokal na pamahalaan habang isinusulat ang balitang ito, ngunit tiniyak ng ARMM-HEART na ipinagkakaloob na sa nagsilikas ang kanilang mga pangangailangan.

Martes lamang nang madiskubre ang presensiya ng Maute Group sa siyudad, hanggang sa sumiklab ang matinding bakbakan sa militar pagsapit ng hapon.

PARI AT 14 PA, BINIHAG

Martes din nang salakayin at sunugin ng Maute ang Saint Mary’s Cathedral at isang dormitoryo sa Marawi, bago tinangay bilang bihag ang vicar general ng simbahan at 14 na iba pa, kabilang ang secretary ng cathedral, dalawang iskolar ng simbahan at ilang nagno-novena.

Kinumpirma kahapon ni Marawi City Bishop Edwin dela Peña na sinunog ng Maute ang cathedral at ang dormitoryo ng mga pari at binihag si Fr. Teresito Suganod, ang church vicar general; ang secretary ng simbahan na si Wendelyn Mayosita; ang church council president; dalawang iskolar ng simbahan na hindi niya napangalanan; at ilang deboto na kasalukuyang nagno-novena nang mangyari ang pagsalakay.

“I don’t know their condition now and where they area as we have not received any information about them after they were taken by the armed group,” sinabi ni Dela Peña nang kapanayamin sa radyo kahapon ng umaga.

SIMBAHAN NANAWAGAN

Umaapela naman ang mga obispo sa konsensiya ng mga miyembro ng Maute na huwag sasaktan at agad nang palayain ang mga bihag nito, kabilang na si Suganod.

Nanawagan si Cotabato Archbishop Orlando Cardinal Quevedo sa Islam religious leaders na maging tulay para sa ligtas na pagpapalaya sa mga bihag.

Samantala, sa mensahe ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President at Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas ay nanawagan siya sa taumbayan na ipagdasal ang mga kapatid na Muslim at umiral nawa ang kapayapaan sa Marawi.

Una nang sinabi ni Dela Peña na ginawa ng Maute ang pagsalakay kasabay ng pagtatapos ng novena kaugnay ng kapistahan sa kanilang bayan.

PAGSIKLAB NG KRISIS

Sinabi ni Lanao del Sur Police Provincial Office Director Senior Supt. Oscar Nantes na bandang 3:00 ng hapon nitong Martes nang magsimula ang bakbakan ng Maute at ng militar matapos na maghain ang mga pulis ng mga search warrant laban sa mga miyembro ng grupo.

Kasunod ng bakbakan, sinunog ng Maute ang ilang establisimyento nitong Martes ng gabi at kahapon ay nakubkob na ang 11 sa kabuuang 96 na barangay sa Marawi.

Isang pulis at dalawang sundalo na rin ang napaulat na nasawi habang 12 iba pa ang nasugatan sa pagpapatuloy ng bakbakan, batay sa nakalap na datos hanggang kahapon ng umaga.

Narito ang mahahalagang detalye sa krisis sa Marawi City:

*Sinunog ng Maute ang Ninoy Aquino College, Dansalan College, St. Mary’s Cathedral, Marawi City Jail, at Ma. Auxilladora Parish Church.

*Bago sunugin ang Marawi City Jail, pinalaya ng Maute ang mahigit 100 bilanggo.

*Unang tinangkang kubkubin ng Maute ang Amai Pakpak Medical Center, Mindanao State University, ang pangunahing kalsada sa siyudad at dalawang pangunahing tulay papasok sa lungsod, pero kaagad na nabawi ng militar ang mga ito.

*Nakumpirma kahapon ng militar ang presensiya ng Maute sa 11 sa 96 na barangay sa Marawi: ang Bangon, Saber, Tuca, Banggolo, Naga, Monkado Colony, Caloocan, Marinaut, Mapandi, Matampay, at Basak Malutlot.

*Sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na napatay sa bakbakan sa Marawi ang isang pulis at dalawang sundalo, habang 12 pa sa puwersa ng gobyerno ang nasugatan.

(May ulat nina Beth Camia, Mary Ann Santiago at Francis Wakefield) (AARON RECUENCO, NONOY LACSON at FER TABOY)