1 copy

IPAGDIRIWANG ng Puerto Princesa City -- itinuturing na “EcoTourism Center ng Pilipinas” -- ang masayang buwan ng Mayo sa gaganaping dalawang higanteng international water sports events sa Mayo 28-30.

Tinawag na “Pilipinas International Beach Sports Festival”, ang tatlong araw na pagdiriwang ay tatampukan ng 2nd Pilipinas Open Water Swim at 4th Pilipinas International Beach Water Polo sa Baywalk sa Puerto Princesa, Palawan.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Si Puerto Princesa Mayor Luis Marcaida III ang siyang magiging punong abala sa naturang kompetisyon na lalahukan ng mga pangunahing atleta mula United States, Canada, Russia, Uzbekistan, Malaysia, Hong Kong, China, Singapore at host Philippines.

“Ang buong Puerto Princesa City ay nakahanda na para sa dalawang malaking international water sports competitions na tulad nito,” pahayag ni Mayor Marcaida.

“Isang malaking karangalan ito para sa amin na maging punong abala sa mga foreign at local guests. Magandang pagkakataon din ito upang muling ipakita ang kagandahan ng buong Palawan, pati na ang mga masayahin at magagandang naninirahan dito,” aniya.

Pangangasiwaan ni Dale P. Evangelista, tanging lisensyadong open water official ng bansa, ang kumpetisyon na itinataguyod din ng Philippine Sports Commission (PSC).

Ang gaganaping Beach Water Polo event ay nasa ika-apat na serye na ngayon.

Ang water polo ay nilalaro sa piling beach resort na may 10m x 15m playing field at lalim na 2m. Ang bawat team ay binubuo ng tatlong field players at isang goal keeper.

Bawat koponan ay lalaro sa dalawang bahagi na may tig-walong minuto. Tulad ng ibang ball games, kailangang umiskor ng pinaka-madaming goals para manalo.

Ngayong taon, may kabuuang 10 koponan sa men’s division at tatlo sa women’s class ang magtutunggali para sa prestihiyosong tropeo.

Sa men’s category, may kalahok na apat na international teams at anim na local teams mula saUSA, Canada, Russia, Uzbekistan, Malaysia, Hong Kong, China at Singapore.

Sa women’s category, may dalawang international team mula Uzbekistan at Hong Kong.

Ang unang laro ng beach water polo event ay magsisimula mula 9 ng umaga ng Mayo 28.

Samantala, ang Open Water Swim event na unang ginanap sa Anvaya Beach at Nature Club nung nakalipas na taon ay dinagdagan ng 10km swim event na na gagawin sa ilalim ng FINA rules.

Ang mga kategorya ay ang 500m boys at girls ages 10 at under, 500m boys at girls ages 11 hanggang 13 years old, 2.5km boys at girls ages 14-17 years old, 5km men at women open sa lahat ng edad at 10km men at women’s open.