Pinasusuko ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director Oscar Albayalde ang pitong kasabwat ng apat na pulis-Malabon na sinasabing dumukot sa isang negosyante sa Quezon City.

Kinilala ang apat na inarestong pulis na sina SPO2 Ricky Pelicano, PO2 Wilson Sanchez, PO1 Joselito Ereneo at PO1 Frances Camua na pawang sinibak sa puwesto, dinisarmahan, binawi ang police identification (ID) card at badge.

Sila ay kinasuhan ng kidnapping, robbery extortion at planting of evidence sa Department of Justice.

Kasalukuyan namang nagsasagawa ng follow up operations laban sa pitong pulis na sina SPO2 Gerry Dela Torre, PO3 Michael Angelo Diaz Solomon, PO3 Luis Tayo Hizon, Jr., PO2 Michael Papa Huerto, PO1 Jovito Roque, Jr., PO1 Ricky Alix Lamcen at PO3 Bernandino Pacoma na sinasabing kasabwat ng apat sa kidnapping at robbery extortion.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Kaugnay nito, ipinag-utos ni Northern Police District (NPD) director Chief Supt. Roberto Fajardo na sibakin ang lahat ng Drug Enforcement Unit (DEU) personnel ng Malabon City Police.

Una rito, ini-report nina Jesus Sala at Galdys Bataycan ang pagdukot ng 11 lalaki, pawang nakasuot ng bonnet, sa kamag-anak nilang si “Norma” sa Barangay Veteran Village, Munoz, Quezon City, dakong 1:00 ng hapon noong Mayo 20.

Dinala umano si Norma sa opisina ng DEU sa Malabon Police Station at hiningan ng P5 milyon para makalaya.

Tinawagan din umano ng mga pulis ang nobyo ni Norma, si “Raymond,” na nakakulong sa Muntinlupa dahil sa kasong carnapping, at hiningan umano ng P2 milyon at isang kilo ng shabu para makalaya ang biktima.

Nang makuha ang hinihinging shabu, hindi pa rin pinakawalan ng mga suspek si Norma at sa halip ay dinala sa Tondo Medical Center para ipa-medical at kasuhan ng paglabag sa Sec. 5, 11 ng R.A. 9165.

Bandang 1:00 ng hapon nitong Lunes, kumilos ang grupo ni Fajardo at ikinasa ang matagumpay na entrapment operation laban sa mga suspek sa Malabon Square. (BELLA GAMOTE, ORLY BARCALA at BETH CAMIA)