2 copy copy

Warriors, umukit ng marka tungo sa ikatlong sunod na NBA Finals.

SAN ANTONIO (AP) — Inaasahan ang tagumpay ng Golden State Warriors at ang labanan na lamang sa huntahan ay kung ilang puntos ang ilalamang ng grupo ni Stephen Curry.

Hataw si Curry sa naiskor na 36 puntos para sandigan ang Golden State sa 129-115 panalo kontra San Antonio sa Game 4 ng Western Conference finals nitong Lunes (Martes sa Manila) at tanghaling unang koponan sa kasaysayan ng liga na makausad sa NBA Finals na walang talo, 12-0, sa playoff.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Umabante ang Golden State sa pinakamalaking 22 puntos na bentahe tungo sa ikatlong sunod na conference title at NBA Finals. Hihintayin nila ang magwawagi sa East sa pagitan ng Cleveland at Boston na tinatampukan ng Cavs, 2-1.

“It’s great to be one of the last two teams standing, we’ll see how it goes,” sambit ni Kevin Durant, kumubra ng 29 puntos at 12 rebound.

Nakatikim lamang ng bentahe ang San Antonio sa kaagahan ng first period nang maisalpak ni Manu Ginobili ang ang left-handed scoop shot. Inilagay ni coach Gregg Popovih si Ginobili sa starting line-up bilang pagkilala sa 39-anyos Argenterian.

“An amazing competitor, even more fun playing against him,” pahayag ni Durant, patungkol kay Ginobili. “He was phenomenal this series.”

Nag-ambag si Kyle Anderson sa natipang 20 para sa Spurs, sumabak sa playoff na kulang sa starplayers nang ma-injury si Tony Parker sa first round, at lumala ang sprained injury ni Kawhi Leaonar sa Game 1 ng Conference finals, kasunod si forward David Lee sa Game 3. Nagretiro na ngayong season si future hall-of-famer Tim Duncan.

Naitala ng Golden State ang matikas na 56 porsiyento sa three-point area sa naisalpak na 14 sa 39 three-pointer.

Kumana si Draymond Green ng 16 puntos, walong rebound at walong assist para sa Warriors, habang kumubra si Spurs forward LaMarcus Aldridge nang ikalawang sunod na walong puntos at tumapos si Ginobili ng 15 puntos.

Sa East finals, tatangkain ng Cleveland Cavaliers na maibalik ang momentum sa kanilang panig sa pagharap sa Boston Celtics sa Game 4 ng kanilang duwelo sa Quicken Loans Arena.

Tangan ng Cavs ang 2-1 bentahe sa kabila ng sopresang panalo ng Celtics sa Game 3. Walang kasiguraduhan kung makakalaro si Boston star Isaiah Thomas sa Game 4 matapos ipahinga dahil sa injury sa kanang balakang.