Maglalabas ang Land Transportation Franchising and Regulator Board (LTFRB) ng memorandum circular para sa lahat ng driver ng mga public utility vehicle (PUV) na tanggalin ang lahat ng gamit sa dashboard na humaharang sa paningin, kabilang na ang mga sagradong bagay at karatula.
Ayon kay LTFRB Spokesperson Aileen Lizada, ang paglalagay ng “defective, improper or unauthorized accessories” ay sakop ng Joint Administrative Order No. 2014-01.
Sa ilalim ng JAO, ang accessories, devices at equipment tulad ng stuffed toys, figurines, atbp. na humaharang sa paningin ng driver ay ipinagbabawal. Ang sinumang lalabag ay magmumulta ng P5,000.
“We are not saying that sacred symbols are prohibited. Just put it near you, not on areas that can hinder the view of the road,” sabi ni Lizada habang nasa Metrobase Command Center ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Inamin ni Lizada na nalilito ang mga motorista at driver sa implementasyon ng Anti-Distracted Driving Act (ADDA) na ang ipinagbabawal lamang ay electronic gadgets at iba pang mobile gadgets.
Sinabi rin niya na ang mga jeepney at pampasaherong bus ay hindi rin dapat maglagay ng karatula ng kanilang ruta sa windshields kundi sa gilid ng sasakyan.
Nakikipagtulungan din ang LTFRB kay Alberto H. Suansing, secretary general ng Philippine Global Road Safety Partnership, kung saan ilalagay ang signboards.
“There should only be one signboard,” said Lizada.
Samantala, sang-ayon ang isang opisyal ng simbahan na ipagbawal ang paggamit ng cell phone habang nagmamaneho, pero tinutulan ang pagbabawal sa paglalagay ng rosaryo at santo sa dashboards.
Sinabi ni Father Jerome Secillano, executive secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Public Affairs Committee, na tutol siya sa ban dahil hindi naman ang mga rosaryo ang nagiging sanhi ng mga aksidente sa kalsada.
“It’s not the rosaries that cause accidents, but foremost among them are mechanincal problems and the drivers’ ignorance and abusive behavior on the road,” ani Fr. Secillano.
Sinabi niya na ang mga isyu na dapat tutukan ng ahensiya ay ang pagbabawal sa mga luma nang sasakyan sa kalsada, pagdisiplina sa mga abusadong driver, papanagutin ang car operators sa mga aksidente, at paghuli sa mga colorum na PUV.
Samantala, ang specialized cameras ng MMDA ay nakahuli ng 205 drivers na gumagamit ng mobile devices sa ikalawang araw ng pagpapatupad ng ADDA nitong Mayo 18-21. (Anna Liza V. Alavaren at Leslie Ann G. Aquino)