SA kanyang pagbabalik mula sa pagbisita sa Beijing, China, kung saan siya dumalo sa Belt and Road Forum for International Cooperation, sorpresang inihayag ni Pangulong Duterte na hiniling sa kanya ng mga pinuno ng Turkey at Mongolia na nais ng mga itong isulong niya ang pagsapi ng mga ito sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
“Since I am now the chairman and the Philippines is hosting ASEAN, I said, ‘Yes, why not?’” Ganito si Pangulong Duterte, laging bukas sa mga bagong ideya kahit pa — sa kasong ito — hindi masasabing posible dahil sa usapin ng heograpiya.
Ang Turkey ang pinakamalayo sa kanlurang bahagi ng malawak na kontinente ng Asia, nasa 8,000 kilometro ang distansiya, o two-thirds na pag-ikot sa kabuuan ng daigdig mula sa Timog Silangang Asya. Mas malapit ang Mongolia sa gitnang Asya, napagigitnaan ng Russia at China, subalit napakalayo pa rin mula sa rehiyong okupado ng sampung bansang ASEAN na Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand, Vietnam, at Pilipinas.
Posibleng nasa isipan ng mga pinunong Turkish at Mongolian ang uri ng ugnayang mayroon ngayon ang ASEAN sa walong iba pang bansa—ang Amerika, Russia, China, India, Australia, Japan, South Korea at New Zealand. Sa Nobyembre ng taong ito, ang malaking grupo na ito ay magsasama-sama sa Maynila sa pagtatapos ng ating pamumuno sa ASEAN ngayong taon.
Ang sampung bansang ASEAN ay binubuklod ng iisang paninindigan ng kapayapaan, mabuting samahan, at pagtutulungan ng mamamayan ng mga ito, sa kabila ng mga pagkakaiba-iba sa mga sistema ng pamahalaan at pulitika. Nagkakaisa sila sa pagpapaigting ng pagtutulungang pang-ekonomiya ngunit hindi rito nakasalalay ang kanilang lakas kundi sa kanilang kahandaang makinig at tulungan ang isa’t isa, nang hindi na kinakailangang magkontrahan sa pagboto sa alinmang usapin, nagkakasundo at umaaksiyon nang buong pagkakaisa. Sa maraming paraan, maituturing itong isang pamilya ng mga bansa.
Sa nakalipas na mga taon, nakatuwang na nito ang ilang bansa, at sa mga taunang pagtitipun-tipon, pinagtibay ng mga bansa ang ugnayang higit pa sa karaniwang nabubuo sa mga talakayang diplomatiko. Ito marahil ang nagbunsod kina Turkish President Tayyip Erdogan at Mongolian Prime Minister Jargaltulgyn Erdenebat upang kausapin si Pangulong Duterte tungkol sa pagsali sa ASEAN o maging katuwang nitong bansa.