May bagong pinuno na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa katauhan ni retired Brig. Gen. Danilo Lim, ayon sa Malacañang.

Gen. Danilo Lim
Gen. Danilo Lim
Kinumpirma ni Executive Secretary Salvador Medialdea na itinalaga ni Pangulong Duterte bilang bagong chairman ng MMDA ang dating Scout Ranger commander ng Armed Forces of the Philippines (AFP), at napaulat na posibleng pirmahan na ni Pangulong Duterte ang appointment nito ngayong Lunes.

Mananatili naman sa kanyang posisyon bilang general manager ng MMDA si Tim Orbos, na kasalukuyang officer-in-charge ng ahensiya.

Matatandaan na naging Bureau of Customs (BoC) Deputy Commissioner for Intelligence si Lim sa administrasyong Aquino noong Setyembre 2011 ngunit nagbitiw din sa puwesto noong Hulyo 2013.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Taong 2010 nang kumandidato siyang senador bilang independent candidate sa ilalim ng Liberal Party, subalit hindi pinalad.

Taong 2006 naman nang makulong si Lim sa pagkakasangkot sa pag-aalsa ng militar laban kay dating Pangulo at ngayo’y Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa standoff sa Manila Peninsula Hotel sa Makati City, kasama ang ilang junior officers na konektado sa Oakwood mutiny noong 2003.

Ngunit nakalaya si Lim nang pagkalooban siya ng amnestiya ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III.

Si Lim ang ika-12 dating opisyal ng militar o pulisya na itinalaga ni Pangulong Duterte sa pamahalaan.

Una nang itinalaga sina National Security Adviser Hermogenes Esperon, Office of the President Undersecretary Emmanuel Bautista, National Irrigation Administration Chief Ricardo Visaya, Defense Secretary Delfin Lorenzana, Philippine Charity Sweepstakes Office General Manager Alexander Balutan, National Food Authority Administrator Jason Aquino.

Itinalaga rin ni Duterte sina National Disaster Risk Reduction and Management Council Executive Director Ricardo Jalad, Bureau of Customs Commissioner Nicanor Faeldon, Environment Secretary Roy Cimatu, Land Transportation Office Chief Edgar Galvante, at incoming Interior Secretary at AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año. - Bella Gamotea at Beth Camia