Sinabi kahapon ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) OIC Tim Orbos na naispatan nila ang nasa 300 lumabag sa dalawang bagong batas para sa road safety, sa pamamagitan ng no contact policy ng ahensiya.

Huwebes nang simulang ipatupad ang Anti-Distracted Driving Act (RA 101913) at Biyernes naman naging epektibo ang Children’s Safety on Motorcycle Act (RA 10666).

“We thought it best to use our cameras (CCTVs) during the initial phase of implementation. Because it (contact apprehension) will also cause traffic as you would have to explain the violation to the motorist first,” sabi ni Orbos.

Sinabi ni Orbos na tumatalima lamang sila sa mga patakaran ng Land Transportation Office (LTO) at Department of Transportation (DOTr) sa pagpapatupad ng dalawang bagong batas.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Mariing ipinagbabawal ng Anti-Distracted Driving Law ang paggamit ng cell phone at iba pang mobile electronic device habang nagmamaneho at kahit nakahinto sa stop light o sa intersection ang isang motorista.

Kaugnay nito, binigyan ng gobyerno ng isang linggo ang mga motorista upang alisin sa anumang obstruction ang kani-kanilang windshield bago tuluyan at istriktong ipatupad ang nasabing batas sa Sabado, Mayo 27.

“We have agreed to give all motorists, private and public utility vehicles (PUVs), one week from yesterday (Huwebes) to clear their line of sight and dashboards,” sinabi nitong Biyernes ni LTFRB Board Member at Spokesperson Aileen Lizada.

Ipinagbabawal kasi sa Anti-Distracted Driving Law ang accessories, gaya ng stuffed toys, rosaryo, dashcam at navigational devices, sa tapat ng paningin ng driver upang maiwasang mahati ang atensiyon nito sa pagmamaneho.

Ipinagbabawal naman sa Children’s Safety on Motorcycle Act ang pag-aangkas ng mga bata sa motorsiklo sa mga pangunahing kalsada, maliban na lamang kung abot na ng paa ng paslit ang foot peg at kaya nang kumapit nang mahigpit sa rider.

Sa ngayon, hindi pa nabibigyan ng awtorisasyon ng LTO ng mga manghuhuli ng motorsiklo na may angkas na bata.

Sinabi ni LTO Executive Director Romeo Vera Cruz na ipakakalat nila ngayong linggo ang mga tauhan ng MMDA at Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) upang mahigpit na ipatupad ang Children’s Safety on Motorcycles Act. (RIZAL S. OBANIL at VANNE ELAINE P. TERRAZOLA)