APARRI, Cagayan - Nabulabog ang isang kumpanya ng minahan makaraang lusubin ito ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), 17th Infantry Batallion ng Philippine Army, at iba pang law enforcement agency hanggang sa nakumpirmang nagsisilbi pala itong bodega ng mga kemikal sa paggawa ng ilegal na droga at pampasabog.

Sa panayam kahapon kay PDEA-Region 2 Director Laurel Gabales, nabatid na bitbit ang search warrant mula sa korte sa Aparri, sinalakay ng mga awtoridad nitong Huwebes, dakong 12:30 ng tanghali, ang Hua-Xia Mining Compound nina Lito Lim at Michael Tan sa Barangay Tallungan, Aparri, Cagayan.

Sa ulat din mula sa tanggapan ni Lt. Col. Rembert Baylosis, commander ng 17th Infantry Battalion, hindi inabutan ang dalawang dayuhan na target ng search warrant, ngunit nadiskubre ang napakaraming kemikal na ginagamit sa paggawa ng droga at bomba, at tinatayang nasa milyon ang halaga.

Nakuha rin ang ilang apparatus at glass containers na pinaniniwalaang controlled precursors and essential chemicals (CPECs) sa paggawa ng droga at pampasabog.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Dinala sa himpilan ng Aparri Police ang mga nasamsam na gamit.

Itinakda naman sa Lunes, Mayo 22, ang pagsasampa ng mga kasong illegal possession of explosives at paglabag sa Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) ang mga tumakas na suspek. (Liezle Basa Iñigo)