DISENTENG-DISENTE si President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa larawang kasama ang magandang partner na si Honeylet Avancena (ayaw niyang tawaging common-law-wife) sa pagdalo sa banquet para sa Belt and Road Forum sa Beijing noong Linggo ng gabi. Kasama rin sa larawan sina Chinese Pres. Xi Jinping at ang butihing ginang na si Peng Liyuan. Parang hindi siya marunong mag-”P...I...Mo” kapag nagagalit.
Sa okasyon, nangako si Pres. Xi ng $124 billion para sa kanyang ambisyosong New Silk Road Plan tungo sa pagkakaroon ng kapayapaan, “inclusive and free trade”. Ayon kay Xi, dapat abandonahin na ang mga lumang huwaran na batay sa karibalan at diplomatic power games, maliwanag na patama sa US at iba pang mayayamang bansa sa Yuropa (Europe). Ang Belt and Road Initiative ay naglalayong mapalawak ang mga ugnayan sa Asia, Africa at Europe. Magkakaloob din ang China ng $8.7 billion na ayuda para sa mga developing countries, tulad ng Pilipinas.
Hindi nakadalo sa opening ceremony ng Belt and Road Initiative ang Pangulo na pinangunahan ni Pres. Xi ang pagtanggap sa mga pinuno at kinatawan ng 30 bansa, gaya nina Russian Pres. Vladimir Putin at Turkey Pres. Eyyap Erdogan. Walang opisyal na pahayag ang Malacañang kung bakit hindi nakadalo si Pres. Rody sa opening ceremony. Anyway, nakadalo naman ang PH delegation na ginanap sa China National Convention Center sa Beijing Olympic. Baka raw napagod o nagka-migraine.
Parang tinatakot ni Mano Digong ang hudikatura kaugnay ng umano’y hilig nitong mag-isyu ng Temporary Restraining Order (TRO) na nagiging dahilan ng pagkabalam sa implementasyon ng mga proyekto ng pamahalaan. Ayon sa kanya, ang natalo o losing bidders at mayayaman ay naghahain ng kaso sa mga hukuman para makakuha ng TRO at pigilan ang mga proyekto.
“Sabi ko, huwag na ninyo akong hintayin pa. If I’m pissed off, ‘di ko susundin ito. Gaganunin ko ‘yung papel, itatapon ko sa mukha mo,” pahayag ng Pangulo sa nasa 900 miyembro ng Filipino community sa Hong Kong noong Sabado.
Uutusan daw niya ang mga pulis at sheriff na huwag sundin ang kautusan ng korte, at sa halip, ang sundin ay ang kanyang utos.
Kapag hindi raw nagbago ang ugali ng mga hukuman tungkol sa mga proyekto ng gobyerno na madalas mabalam dahil sa TRO, baka raw magdeklara siya ng martial law upang hindi na maharang ng mga korte ang government projects. “Gusto ninyo ng ,,,, kung ayaw mo ng ganun, martial... law, maganda nga mag-martial law.” Gayunman, nilinaw niya na hindi siya magdedeklara nito katulad ng Marcos dictatorship.
Showbiz Tsismis. May kumakalat na posts o balita sa Internet tungkol kina Sens. Kiko Pangilinan at Risa Hontiveros.
May larawan daw na sila ay magkahawak-kamay. Gayunman, ito raw ay photo-shopped picture lang o inayos ng mga may “malilikot at maruruming isip” na gustong ilagay sa alanganin ang dalawa.
Si Sen. Risa ay isang biyuda samantalang si Sen. Kiko ay ginoo ni Mega-star Sharon Cuneta. May balitang lumipad sa ibang bansa si Sharon nang nag-iisa, hindi kasama ang ginoo. Lalong “lumikot at dumumi ang isip” ng mga tsismoso at tsismosa. Baka raw may kaugnayan ito kina Kiko at Risa. Pero, itinanggi mismo ni Sharon na ang pag-alis niya ay may kinalaman sa tsismis. Walang third party. Nais lang daw niyang mapag-isa at magkaroon ng katahimikan.
(Bert de Guzman)