HINDI ko ipinagtataka kung bakit ‘tila hindi nababawasan ang kakatiting na ngang bilang ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG). Manapa, ‘tila nadadagdagan pa nga sa kabila ng puspusang pagpuksa na inilulunsad ng militar at pulisya laban sa naturang mga rebelde. Kamakailan lamang, halos 30 ASG ang ipinangangalandakang napatay ng mga tropa ng pamahalaan.

Iisa ang nakikita kong dahilan ng waring hindi mapigilang pagyabong ng bilang ng mga rebelde — maging ang mga ito ay kabilang sa ASG, New People’s Army (NPA) rebels, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF): Pagsasabuwatan. Ibig sabihin, hindi napapawi ang mga sapantaha na ang local officials — gobernador, bise gobernador, alkalde at iba pang lingkod ng bayan — ay magkakasapakat. Nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan na lamang sila sa anumang paghahasik ng naturang mga rebelde ng mga karahasan na may kaakibat na pagpaslang. Bahagi rin ng kanilang operasyon ang kasumpa-sumpang kidnap-for-ransom activities hindi lamang laban sa ating mga kababayan kundi lalo na sa mga dayuhang turista.

Sa pahayag ng Save Sulu Movement (SSM), isang non-government organization na nasa Sulu na pinamumugaran ng ASG, paulit-ulit na ipinagbibigay-alam nito sa mga awtoridad na ang nasabing grupo ng mga rebelde ay may proteksiyon ng local executives. Hindi malayo na ang nasabing mga pinuno ang tumatanggap ng malaking bahagi o lion’s share ng ransom money. Ito ang dahilan kung bakit ang mga bandido ay malayang nakapamamayagpag sa kani-kanilang teritoryo nang hindi man lamang yata pinapansin ng kanilang mga protektor.

Natunghayan ko rin ang minsang pahayag ni dating Armed Forces Chief of Staff Ricardo Visaya hinggil sa pagbibigay ng proteksiyon sa ASG na nabanggit ng mga pinunong lokal. Ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang Philippine National Police (PNP) ay hindi kaya kasapakat ng ASG? Hindi ba kamakailan lamang, isang mataas na opisyal ng PNP ang mismong sumaklolo sa mga ASG na sinabing mangingidnap sana sa... Bohol? Dahil dito, nagiging kapani-paniwala na ang matataas at makabagong mga armas na ginagamit ng mga terorista ay nanggaling sa militar at pulisya sa pakikipagsabuwatan ng civilian authorities.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Hindi malayo na ito rin ang pangunahing sanhi kung bakit sa kabila ng kakarampot na bilang ng mga rebelde, hindi sila umuunti at lumolobo pa nga ang kanilang hanay. Isipin na ang AFP at PNP ay binubuo ng libu-libong tauhan na nasasandatahan ng tinatawag na superior weapons; bukod sa malalakas na kalibre ng baril, mayroon silang warships, armored cars, tangke, warplanes at iba pa.

Nais kong maniwala na ang mistulang pagkabigo sa paglipol ng mga rebelde ay bunsod ng magkakasapakat na ASG, NPA, BIFF at ng ating mga awtoridad sa gobyerno. (Celo Lagmay)