Binaril at nasugatan ang isang dalaga nang tumanggi siyang makipagbalikan sa ex-boyfriend niyang security guard, na walang awang nagpaputok ng kanyang service firearm sa West Quirino Hill, Baguio City kahapon.

Ayon kay Supt. Freddie Lazona, ng Baguio City Police Office (BCPO), kakasuhan ng frustrated murder, grave threat, illegal possession of firearms at grave assault si Weslie Buddy, na tubong Balbalan, Kalinga.

Sinabi ni Lazona na ligtas na ang biktimang call center agent na kinilala sa pangalang Ida, 24, na nabaril sa kamay.

Sa imbestigasyon ng pulisya, inihatid ni Buddy ang biktima sa bahay nito at pilit nakikipagbalikan subalit tumanggi ang dalaga kaya nagwala ang suspek at walang habas na nagpaputok ng baril.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Kaagad namang nakapag-text sa kanyang ina ang biktima para humingi ng saklolo, kaya mabilis na nakaresponde sa insidente ang mga operatiba ng BCPO-Station 2.

Ngunit pinaputukan din ni Buddy ang mga rumespondeng pulis kaya napilitan ang mga ito na barilin din ang suspek.

Isinugod ang biktima at ang suspek sa magkahiwalay na ospital habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. (Fer Taboy)