INABSUWELTO kamakailan ng Court of Appeals (CA) ang umano’y utak ng pork barrel scam na si Janet Lim Napoles sa salang illegal detention. Hinatulan siya ng habambuhay na pagkabilanggo ng Regional Trial Court (RTC) Branch 50, batay sa reklamo ng kanyang pinsang sa Benhur Luy.
Sa pagbaligtad sa desisyon ng RTC, sinabi ng CA na hindi napatunayan ng prosekusyon na walang kaduda-dudang nagkasala si Napoles. Paanong hindi siya maaabsuwelto, eh kakampi niya ang gobyerno. Ang Solicitor General na si Jose Calida, na abogado ng gobyerno, ang siyang mistulang abogado niya sa CA. Naghain ito ng manifestation kung saan hiniling niya sa CA na iabsuwelto si Napoles. At ang manifestation na ito ang ginamit ng CA.
“Nangibabaw ang katarungan sa CA,” wika ni Calida. May sektor, aniya, na ikinokonsidera ang kasong ito bilang napakalaking bagay dahil ang akusado ay si Napoles. Pero, bilang abogado daw ng gobyerno, naniniwala siya na simpleng kasong kriminal ito na hindi sinusuportahan ng ebidensiya ang conviction ng akusado.
“Walang pagbabago ang polisiya ng gobyerno tungkol kay Napoles,” sabi naman ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella. Wala umanong kasunduan sa pagitan ng Pangulo at ni Napoles. Ang kaso nitong illegal detention ay walang epekto sa mga kaso ukol sa pork barrel laban sa kanya. Tell this to the marines. Bakit hindi magdududa ang ibang sektor sa kahihinatnan ng mga kaso ni Napoles, eh ang abogado niya nga ay abogado ng gobyerno.
Sa totoo lang, itong ginawa ni Solgen Calida na tumindig sa CA bilang animo’y kanyang kinatawan ay pinasilip na ng gobyerno kung ano ang mga susunod nitong hakbang para mapangalagaan ang kanyang kapakanan.
Kung inyong matatandaan, nang lumabas ang warrant of arrest laban kay Napoles, sumuko siya kay dating Pangulong Noynoy. Parang mataas na tao sa ibang bansa, tinanggap siya at inasikaso ng dating Pangulo sa Malacañang. Pagkatapos ng sekreto nilang pag-uusap, inihatid pa siya nito sa custodial center sa Camp Crame. Ang sumunod na pangyayari ay... inihabla na ang ilang Senador na kalaban ng administrasyong Aquino dahil sa umano’y paggamit ng pork barrel.
Alam na ninyo kung bakit matindi ang pagtutol ko sa pagbabalik ng parusang kamatayan. Ito rin ang dahilan kung bakit pinatitigil ko ang inilunsad na kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na droga. Ang nangyari kay Napoles ay pagpapakita kung gaano kapangit ang histura ng sistema ng ating hustisya. Sa pagpapagana ng kanyang makinarya ng mga taong pinagkalooban ng taumbayan ng kanilang kapangyarihan, ang ginigiling ay mga dukha. (Ric Valmonte)