BAGUIO CITY – Patay ang isang babaeng Nigerian makaraang banggain at takbuhan ng isang taxi, na hindi rin naman nakatakas matapos nitong mabangga ang isa pang taxi sa Magsaysay Avenue sa Baguio City nitong Martes.

Kinilala ni Supt. Arman Gapuz, hepe ng Traffic Management Bureau ng Baguio City Police Office, ang biktimang si Oreoluwa Tope Oyinloye, 29, Nigerian, BS Nursing student sa AMA Computer School at nakatira sa Aurora Hill, Baguio City.

Ayon kay Gapuz, nahaharap sa reckless imprudence resulting to homicide and damage to property si Julio Goloyogo Balangue, 67, ng Middle Quirino Hill, ang driver ng Toyota Innova taxi (AAA-1419).

“Nasa desisyon na ng korte kung isasama sa kaso ang hit-and-run, dahil imbes na tulungan niya (Balangue) ang biktima ay mabilis pa niyang pinatakbo papalayo ang kanyang taxi,” ani Gapuz.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Dakong 2:00 ng hapon nang mabangga ni Balangue ang papatawid na dayuhan kaya pinaarangkada niya ang sasakyan hanggang nabangga niya ang Isuzu Crosswind taxi (AYT-420) ni Roy Rogelio Singina Lacaben, 51, ng Betag, La Trinidad, Benguet.

(Rizaldy Comanda)