MADRID (AP) — Nagpagpag muna ng kalawang si second-seeded Karolina Pliskova bago magapi si Lesia Tsurenko ng Ukraine 7-6 (5), 2-6, 6-2 sa first round ng Madrid Open nitong Sabado (Linggo sa Manila).

Tangan ni Pliskova ang 5-2 bentahe sa first set, ngunit nakabawi si Tsurenko para maipuwersa ang tiebreaker na nagawang maipanalo ni Pliskova mula sa dalawa sa kabuuang limang ace.

Nakuha ni Tsurenko ang second set, subalit nagawang basagin ni Pliskova ang service play ng karibal nang tatlong ulit sa krusyal na third set.

“I’m not really happy with the way how I was playing,” sambit ni Pliskova. “Definitely the best was the third set. I was playing more aggressive. Otherwise, I was losing all the long rallies. It was tough.”

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Naging matagumpay ang kampanya ng Czech player sa Doha at Brisbane, kamakailan para makamit ang ikawalong career title.

Sa iba pang resulta, ginapi ni Laura Siegemund ng Germany si sixth-seeded Johanna Konta ng Britain 3-6, 7-5, 6-4, habang angat si Misaki Doi ng Japan kontra ninth-seeded Madison Keys ng U.S. 6-4, 4-6, 6-4; bumida si Eugenie Bouchard kontra Alize Cornet 6-4, 4-6, 6-1, at namayani si Roberta Vinci kay Daria Kasatkina 6-1, 1-6, 6-1.

Sunod na gigitna sa Linggo (Lunes sa Manila), sina top-seeded Angelique Kerber, defending champion Simona Halep, nagbabalik na si Maria Sharapova, at Garbine Muguruza.